We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Isang maligaya at mainit na pagbati po sa lahat ng mga OFW sa ibat-ibang panig ng mundo at sa mga bumubuo ng Kuwentong Kapuso sa GMANEWS.TV! Nais ko lamang pong ibahagi sa inyong lahat ang munti kong kuwento bilang isang manggagawa sa bansang Angola. Bago ako magpunta ng Angola noong 2001 ay maraming kasamahan ko sa opisina sa Ortigas ang nagtaas ng kilay at nagtaka kung bakit ako pupunta sa bansang ito sa Africa. Kasi hindi naman ito masyadong kilala ng karamihan sa ating mga Pinoy. Marami ang nagbiro sa akin kung manghuhuli raw ba ako ng elepante at kung anu-anong klaseng hayop dito. Mayroon din ibang nagbabala sa akin tungkol sa AIDS at sa iba pang mga sakit na puwede kong makuha sa bansang ito. Subalit para sa akin ay buo na ang pasya ko at ubos na rin ang pasensiya ko dahil alam kong walang mangyayari sa kakarampot na suweldong tinatanggap ko kaya sa loob-loob ko ay bahala na. Inaamin ko na noong una ay isa ako sa mga taong walang ideya kung ano ang klase ng mga tao rito at kung anong kultura mayroon sila. Akala ko dati ay puro mala-National Geographic na mga tanawin at mga hayop lang ang makikita ko rito na siyang tanging alam ko tungkol sa Africa. Ang hindi ko alam, bukod sa pera ay dito ko makikilala ang babaeng mamahalin ko ng habambuhay at magiging dahilan ng pagtalikod ko sa aking kasintahang Pinas sa loob ng mahigit na limang taon.
Ang hindi ko alam, bukod sa pera ay dito ko makikilala ang babaeng mamahalin ko ng habambuhay at magiging dahilan ng pagtalikod ko sa aking kasintahang Pinas sa loob ng mahigit na limang taon.
â George of Angola
Ikinasal ako sa isang âmulatta" sa Angola noong 2003 at iniuwi ko ang aking mag-ina sa Pilipinas noon 2004. Simula noon ay sa Pilipinas na siya nanirahan kasama ang dalawa naming anak. Ako naman ay pabalik-balik sa bansa na kanyang pinagmulan upang humanap ng aming ikabubuhay. PANGUNGULILA Bilang isang manggagawang OFW, ang aking pangunahing dahilan sa pag-iwan sa mga mahal ko sa buhay at makipagsapalaran sa isang banyagang lugar at kultura ay para kumita ng malaking pera. Gusto ko kasi silang mabigyan ng magandang kinabukasan. Ito rin marahil ang pangunahing dahilan ng karamihan, kung hindi man ng lahat ng mga kagaya kong nagtatrabaho sa malayong lugar at nakahiwalay sa kanilang pamilya. Hindi ako naniniwala sa kaplastikan na pangunahing dahilan ng pagtatrabaho sa ibang bansa ay para makatulong sa bayan. Sa tuwing sasapit ang araw ng pag-alis, pakiramdam ko lagi ay para akong isang maysala na nahatulan ng pagkabilango sa loob ng apat na buwang ilalagi ko sa Angola. Sa pagsapit pa lang ng sasakyan sa paliparan ay nandiyan na ang magkahalong pangamba at kabog sa dibdib dahil sandali na lang ay sasapit na naman ang oras ng masakit na paghihiwalay. Kinasusuklaman ko ang NAIA sa sandaling ito. âMasuwerte ka pa nga dahil sa Saudi at sa iba pang bansa ay âdi ganyan kaigsi ang kontrata," âyan ang palagi kong naririnig sa aking ina at kapatid sa tuwing nagpapaalam ako at inihahabilin ko ang aking mag-iina sa kanilang pangangalaga. Marahil nga sa isang banda ay tama ang sinabi nila pero hindi pa rin nito kayang maibsan ang lungkot at pangungulila sa tuwing sasapit ang araw na ito.
Videoke, ihaw-ihaw, at inuman tuwing sasapit ang Sabado ng gabi ang siyang tanging pansamantalang pamatid ng lungkot at pagod namin.
â George
PAKIKIBAKA Gaya nang huling sumulat na si âIrej", naranasan ko rin ang pagmamaliit sa kakayahan nating mga Pinoy ng aming mga kasamang puti. Isa akong opisyal dito sa kumpanya namin at madalas dati ay nagkakabangga ang mga ideya namin nang kasama kong puti na lahat naman halos ng trabaho niya ay iniaasa lang sa akin. Pero hindi rin naman lahat sila ay ganun at naniniwala din akong nasa puso ang kabutihan o kasamaan ng isang tao at wala sa kulay ng balat niya. Apektado ng gobal crisis ang kumpanya namin gaya ng maraming kumpanya rito at sa ibat-ibang panig ng mundo. Sa katunayan ay maraming utang ang kumpanya namin sa amin ngayon. Kumakapit lang kami sa patalim, sa madaling salita, dahil kung bibitaw kami ngayon ay lalong âdi namin makukuha ang biyayang dulot ng aming hirap at sakripisyo. LIGAYA Videoke, ihaw-ihaw, at inuman tuwing sasapit ang Sabado ng gabi ang siyang tanging pansamantalang pamatid ng lungkot at pagod namin. Sa tulad ko namang hindi umiinom ay pagkanta na lang at pagkain ng âbesuto" o âpritong pusit" na dala ng ibang mga kasamahan naming kagagaling lamang sa bakasyon ang siyang aatupagin.
Hindi katulad sa tuwing ako ay aalis na isinusumpa ko ang NAIA, kapag umuuwi ako ay mala-paraiso ang tingin ko sa NAIA. .
â George
Sa pagdating naman ng ika-dalawampuât lima ng buwan ay may listahan na umiikot sa kampo ng mga Pinoy galing sa âRecursos Humanos" o HRD upang isulat kung magkano ang perang gustong itira para sa mga sarili namin. Hudyat ito na mayroon na namang tiyak na panggastos ang pamilyang naiwan sa Pilipinas...suweldo na naman! Katulad ng naunang sumulat na si âAmy," isa rin akong minero ng diyamante at totoong kung ikukumpara ang suweldo ng OFW sa Angola at sa ibang bansa ay malaki ang posibilidad na mas malaki ang kita dito. Dito ay libre rin ang maraming bagay gaya ng: tirahan, pagkain, supplies, satellite tv, at may tagalinis ka pa ng kuwarto at tagalaba/plantsa ng damit. Ngunit sa palagay ko, ang mga ito ay hindi sapat na batayan ng tagumpay ng isang manggagawang Pinoy sa abroad. Marahil ay isa lamang itong pabuya dahil sa hirap at sakripisyo sa bundok at panganib dulot ng apat na eroplanong biyahe mula sa Pilipinas hanggang sa minahan. Ang pagsapit ng araw ng bakasyon at paglapag sa NAIA sa ika-apat na eroplanong sinakyan ko mula Angola, ang isa sa pinakamaligayang sandali ng aking buhay dahil alam kong sa loob ng maigsing tatlumpung araw ay makakasama ko na naman muli ang aking mga mahal sa buhay. Hindi katulad sa tuwing ako ay aalis na isinusumpa ko ang NAIA, kapag umuuwi ako ay mala-paraiso ang tingin ko sa NAIA. Sa lahat po ng mga OFW na nagsisikap at nagtitiis na malayo sa kanilang pamilya upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan, nawaây maging ligtas at matagumpay tayong lahat! Gumagalang, George of Angola