GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Unang babaeng gobernador

December 2, 2009 6:43pm
Kilala nyo ba kung sino ang itinuturing kauna-unahang babae na naging gobernador ng isang lalawigan sa Pilipinas na dalawang ulit namuno sa kapitolyo ng Zamboanga del Norte?

Ang namayapang si Corazon Aquino ang kinikilalang unang babaeng pangulo ng Pilipinas nang maluklok siya sa Malacanang noong 1986 matapos mapatalsik sa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Samantala, si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang naging unang Pinay na naging bise presidente ng bansa nang manalo sa halalan noong 1998 national elections. Habang si Geronima Pecson ang unang babae na naging senador nang manalo siya noong 1947 elections sa ilalim ng Liberal Party (LP).

Itinuturing unang gobernador na babae sa Pilipinas si Guadalupe Adaza mula sa lalawigan ng Zamboanga del Norte nang italaga siya ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noong 1955.

Kasalukuyang provincial board member noon si Adaza nang italaga siya ni Magsaysay na pamunuaan ang kapitolyo ng lalawigan matapos masuspindi ng tatlong buwan ang nakaupong gobernador na si Felipe Azcuna.

Eleksiyon noong 1959 nang manalong vice governor si Adaza. Isang taon matapos nito, nagdesisyon ang nakaupong gobernador na si Alberto Ubay na iwanan ang kanyang puwesto para maging kongresista ng lalawigan.

Dahil sa pag-alis ni Ubay, si Adaza muli ang naging gobernador ng lalawigan hanggang noong 1963. - Fidel Jimenez, GMANews.TV