GMA News Online
Showbiz

'Nostradamus of Asia': Psychic Jojo Acuin dies at 63

April 30, 2010 4:06pm
MANILA – Pumanaw na ang tinaguriang Nostradamus ng Asya na si Jojo Acuin nitong Huwebes habang nakaratay sa Philippine Heart Center.

Dinala umano si Acuin, (Jose Maria Villanueva Acuin), 63-anyos, sa ospital noong Marso 19. Nagkaroon umano ito ng pneumonia bukod pa sa dating sakit nito na diabetes, ayon sa online news ng Journal.com.ph.

Ang kanyang mga labi ay nakalagak sa kanilang bahay sa San Pablo City sa lalawigan ng Laguna. Wala pang detalye kung kailan siya ihahatid sa huling hantungan.

Naging tanyag si Acuin dahil sa kanyang mga prediksiyon na nagkatotoo.




Ilan umano sa mga hula ni Acuin na nagkatotoo ay ang pagiging pangulo ni Fidel Ramos, ang pagiging bise presidente ni Gloria Macapagal-Arroyo, ang pagputok ng bulkang Pinatubo, ang lindol sa Central Luzon, at pagkamatay ng batikang direktor na si Lino Brocka dahil sa aksidente.

Nahulaan din umano ni Acuin na isang kandidatong sa pagkapangulo noong 2004 presidential elections ang papanaw. Bago matapos ang nabanggit na taon, binawian ng buhay sa ospital noong Disyembre 14 ang action king na si Fernando Poe Jr., na naging mahigpit na katunggali sa halalan ni Pangulong Arroyo.

Sa pagpasok ng 2010, nagbigay ng ilang prediksiyon si Acuin at kasama na rito ang pagbubuntis ni Judy Ann Santos. Nagbabala rin siya na magiging madugo ang gaganaping halalan sa Mayo 10. - FRJ, GMANews.TV
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus