Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

PEP: Eugene Domingo dedicates her first Best Actress award to Piolo Pascual

May 7, 2010 3:11pm
Natupad na ang inaasam ni Eugene "Uge" Domingo na manalo siya ng Best Actress award para sa kanyang launching film na Kimmy Dora. Nangyari ito nang siya ang itanghal na Best Actress in a Comedy or Musical sa 7th Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (Enpress) na ginanap sa Teatrino Greenhills noong Miyerkules ng gabi, May 5.

Galing pa si Uge sa taping ng Comedy Bar sa GMA-7 at nagmadali siyang pumunta sa awards night. Hindi na nga siya nakapagpalit ng damit at kung ano ang huling suot niya sa taping ay yun na ang isinuot niya sa awards nights.

"Akala nila nag-abala ako. Pinaghandaan ko raw. May time?" malakas na tawa ni Uge. "Galing kasi ako sa taping ng Comedy Bar sa GMA-7. Wala na akong time na magpalit pa. E, mukhang okey naman itong suot ko for the occasion kaya go na ako agad dito. Ewan ko lang kung matitigbak ako dahil sa suot ko! Dyusko!"

FOR PAPA PIOLO
. Tinupad ni Eugene ang kanyang pangako na iaalay niya ang kanyang kauna-unahang Best Actress award sa producer ng Kimmy Dora na si Piolo Pascual.

"Sa producer ng Spring Films na si Piolo Pascual ang pag-aalayan ko ng tropeyo na ito. Malaking bagay ang ginawa nila sa career ko. Nagsugal sila, hindi sila natakot o kinilabutan man lang dahil ginawa nila akong bida sa isang pelikula. Hindi sila nagsisi o nagdalawang-isip. In short, naniwala sila sa kakayanan ko and I humbly appreciate what they did for me.

"Kaya kung anuman ang matanggap na glorya ng Kimmy Dora, ito ay para sa mga naghirap at sumugal at naniwala. Sana ay abangan pa nila ang mga gagawin naming mga pelikula para sa ikasisiya ng buhay nila!" saad ni Uge sa kanyang acceptance speech.

Nagbiro pa si Eugene na may katabi na raw siyang matulog ngayon sa kanyang kama.

"Kikipkipin ko ang trophy na ito sa aking pagtulog. Huwag lang siyang mabasag dahil masakit. Glass pa naman ito!" At humalakhak si Uge.

THANK YOU TO FLOR SALANGA. Marami ang natawa sa acceptance speech ni Eugene dahil nagpasalamat siya sa isang aktres na hindi nominated sa kategorya niya. Ito ay si Flor Salanga, ang nanalong Best Supporting Actress last year for Jay. Nominated din last year sa naturang kategorya si Uge para naman sa 100.

"Ay, nagpapasalamat ako kay Flor Salanga dahil hindi siya nominated ngayong gabi sa kategorya ko. Si Flor kasi ang nanalo last year as Best Supporting Actress at na-lost ako. Akala ko, e, makakabalan ko siya. Buti na lang hindi siya nominated! Or else, baka lost na naman ako!" tawa niya ulit.

Pero hindi inaasahan ni Eugene na magiging winner siya nang gabing 'yon. Magagaling daw kasi ang mga kalaban niya kaya hindi siya masyadong umasa.

"Oo naman kasi ang mga kalaban mo si Gina Alajar (Ded Na Si Lolo), Elizabeth Oropesa (Ded Na Si Lolo), at Sarah Geronimo (You Changed My Life). E, ang gagaling nila, di ba? Lahat sila swak sa kategorya. Kaya hindi ako nagpaka-confident din. As in, kinabahan pa rin ako. Kaya kung matalo man ako, mag-e-emote na lang ako sa isang tabi.

"Pero win or lose, dadalo pa rin ako. Malaki ang pasasalamat ko sa Enpress kasi sila lang ang may ganitong kategorya para sa aming mga comedienne sa pelikula. Nabibigyan kami ng chance to shine in our own category. 'Tsaka sila rin ang unang nagbigay ng first acting award ko for Pisay two years ago. Kaya ang pasasalamat ko sa grupo na ito ay sobra-sobra," pagtatapos ni Eugene. - Ruel J. Mendoza, PEP



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus