GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Unang pagboto ng mga Pinay

May 7, 2010 6:47pm
Alam n’yo ba kung kailan unang nabigyan ng pagkakataon ang mga babae sa Pilipinas na magamit ang kanilang karapatan para bumoto?

Sa pangunguna ni Pura Villanueva-Kalaw, isinulong ng grupo ng mga kababaihan na mabigyan sila nang katulad na karapatan ng mga lalaki na makaboto sa halalan.

Unang pagtatangka ni Villanueva-Kalaw na mapayagan ang mga babae na nakaboto sa pamamagitan ng panukalang batas. Hiniling niya kay dating Assemblyman Filemon Sotto ng Cebu na ihain sa Kongreso ang panukala noong 1907 ngunit hindi ito nakapasa.

Taong 1919 nang ipasa ng Senado sa pamamahala ni dating Senate President Manuel Quezon ang “woman’s suffrage bill," na iniakda ni dating Senador Pedro M. Sison. Ngunit hindi pa rin ito naging batas dahil hindi pinagtibay ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes.

Sa kabila ng kabiguan, lalo namang lumakas ang panawagan na payagang makaboto ang mga Pinay. Dalawang ulit na hiniling sa Kongreso ni Governor General Leonard Wood noong 1921 at 1923 sa Kongreso na ipasa ang suffrage bill para sa mga kababaihan ngunit wala pa ring nangyari.

Taong 1933 nang makalusot at maging batas ang panukala (Commonwealth Act No. 34) na payagan ang mga babae na bumoto. Subalit naging panandalian lang ang tagumpay dahil pinawalang-bisa ito sa isinagawang Constitutional Convention noong 1934.

Patuloy na nakipaglaban ng mga kababaihan sa kanilang karapatan hanggang iutos ng ConCon na idaan sa plebisito ang usapin. Nakasaad sa kondisyon na kailangang makakuha ng 300,000 boto ng mga babae para maging batas ang karapatan ng mga Pinay na bumoto.

At sa unang pagkakataon, bumoto ang mga babae sa plebisito noong Abril 30, 1937. Pagkatapos bilangin ang mga boto, lumitaw na sa 492,725 babae na bumoto, 447,725 sa kanila ang nanindigan sa kanilang karapatan sa halalan. – Fidel Jimenez, GMANews.TV
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus