GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Solusyon ni Aquino sa katiwalian, kahirapan nais malaman sa SONA

July 22, 2010 11:43pm

MANILA – Ang programa ng pamahalaan laban sa katiwalian at tumitinding kahirapan ang nais madinig ng mga lider ng Simbahang Katoliko sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa Lunes.

Sa magkakahiwalay na panayam sa isang himpilan ng radyo, nagkakaisa ang pananaw ng mga obispo na dapat tuparin ni Aquino ang naging pangako niya noong panahon ng kampanya na susupuin ang korupsiyon na isa sa mga ugat ng kahirapan sa bansa.

“’Yong pangako niyang fight against graft and corruption. (And) ways by which he will listen to the people," pahayag ni Calookan Bishop Deogracias Iniguez, nang tanungin ng Veritas radio nitong Huwebes kung ano ang nais niya maging laman ng SONA ni Aquino.

Ganito rin ang naging tugon ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Aniya, dapat pag-aralan at simulan ni Aquino ang programa laban sa kahirapan at katiwalaan, kasama na ang pag-imbestiga sa mga kontrobersiyal na kontratang pinasok ng gobyerno.

Inaasahan naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, na hindi magiging madali kay Aquino ang pagsugpo sa katiwalian dahil sa mga taong nakapaligid sa kanya.

“Malaking bahagi iyong pangako niya noong eleksyon yung lilinisin niya yung corruption kahit siguro mahihirapan siya diyan dahil marami din siyang mga kasamahan na galing na doon," ayon sa arsobispo.

Bukod sa kahirapan at katiwalian, nais din ng mga lider ng Simbahan na malaman sa SONA ni Aquino kung ano ang tunay na paninindigan nito sa kontrobersiyal na reproductive health bill.

“Hopefully makikita rin natin ang kanyang view sa reproductive health bill kasi medyo malabo ‘yan from the very beginning. Medyo malabo yung mga sinasabi niya tungkol diyan parang hindi mo malaman yung real stand," idinagdag ni Arguelles.

Idinagdag naman ni Maasin Bishop Precioso Cantillas, nammahala sa Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People ng CBCP, na makabubuting ilahad ni Aquino sa SONA ang tunay na kalagayan ng bansa at ano ang aasahan ng mga Pilipino sa kanyang administrasyon.

“Sabihin niya kung ano ang sitwasyon ng ating bansa ang kanyang pananaw. I expect na maging realistic ang kanyang pagtingin sa kalagayan ng bansa yung nagre-reflect sa katotohan ang kanyang mga ihahayag sa SONA, kung ano ang kanyang binabalak," paliwanag ng obispo.

Umaasa din ang obispo na maisasama ni Aquino sa SONA ang kanyang magiging programa kung papaano makalilikha ng maraming trabaho para hindi na mapilitan ang mga Pinoy na mangibang bansa.

Pinuna nito na naging bahagi ng programa ng nakaraang administrasyon ang labor export dahil sa malaking pondong ipinapasok sa ekonomiya ng mga ipinapadalang remittances ng mga overseas Filipino workers.

“Pero ang problema ng social migration ay ang pagkakawasak ng mga pamilya. Dapat magkaroon ng programa ang pangulo na magkaroon ng hanapbuhay ang mga Pilipino sa sariling bayan," ayon kay Cantillas. - GMANews.TV
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus