GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Recto sa singil ng eVAT sa toll ways: ‘Sinong niloloko natin?’

August 11, 2010 11:58pm

MANILA – Nanindigan si Senador Ralph Recto na hindi dapat kunan ng pamahalaan ng 12 porsiyentong expanded value added tax (EVAT) ang toll ways dahil labag ito sa batas na siya mismo ang lumikha.

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, iginiit ni Recto, na ang pagpataw ng eVAT sa toll ay sasalungat sa pahayag ng kampo ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III noong kampanya na hindi sila magpapatupad ng bagong buwis.

Ipinaliwanag ng senador na bagaman lumang buwis na ang eVAT, maituturing “bagong" singil sa buwis ang ano mang ipatutupad na bagong koleksiyon tulad ng ipapataw sa toll sa mga expressway.

Iginiit pa ni Recto, may-akda ng eVAT, walang nakalagay sa probisyon ng eVAT na maaaring patawan ng buwis ang singil sa toll, at sa halip ang singil ay maaari lamang ipataw sa mga sasakyan sa himpapawid at pangdagat.

“Walang VAT when you ride a taxi, or when you ride a bus or a tricycle, all land based (transportation) is non-vatable because of the impractically of it. At kung pinayagan natin ‘yan, anong susunod, PNR, MRT, LRT?," ayon sa senador.




Bukod kay Recto na kapartido ni Aquino sa Liberal Party, pinalagan ni Sen. Franklin Drilon ang plano ng Department of Finance (DOF) na singilin ng eVAT ang toll sa South Luzon Expressway at North Expressways, kabilang ang Coastal Road sa Cavite at Star Expressway sa Batangas.

“May kapangyarihan si Finance Sec. Cesar Purisima na pigilin ang pagpapatupad ng pagpataw ng buwis sa toll ways. Kaya ang panawagan natin ay ipagpaliban ito ng dalawang linggo upang mapag-aralan," panawagan ni Drilon.

Bukod sa eVAT, nakatakdang ipatupad ng Toll Regulatory Board (TRB) ang 250 porsiyentong pagtaas sa singil sa toll sa South Expressway upang mabawi ang ginastos sa pagpapasaayos sa kahabaan ng naturang daanan.

Ayon kay Recto, nakakahiya ang mga opisyal ng kasalukuyang administrasyon dahil sa naturang “pagkakamali" na singilin ng eVAT ang toll ways.

“It is double speak on the part of some officials in the government when they say this is not a new tax. When it will be imposed on the first time, it is a new tax. Sino ang niloloko natin, sino ang binobola natin?" tanong ng mambabatas.

Nais ng Bureau of Internal Revenue na makasingil ng eVAT sa toll para makalikom ng dagdag na pondo sa bagong administrasyon bunga na ring lumulobong budget deficit na inaasahang aabot sa P300 bilyon sa pagtatapos ng 2010.

Nanindigan naman si BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares na walang ilegal sa gagawin nilang pagsingil ng eVAT sa toll ways.

“Yung ‘yong binabayad mo sa paggamit mo nung kalsada na tinayo ng isang pribadong kumpanya…its under the Malaysian consortium so, tinayo nila diyan, ipagagamit sa tao siyempre gagamitin mo yun magbabayad ka," paliwanag ng opisyal.

Kaagad na sisimulan ng Senate committee on ways and means ang pagdinig sa naturang usapin para makuha ang paliwanag ng DOF at BIR sa gagawing pagpataw ng eVAT sa toll at iba pang singilin sa lansangan.

Maging si Senate President Juan Ponce Enrile ay naniniwala na kuwestiyunable na patawan ng eVAT ang singil sa toll dahil isa na itong uri ng pagbabayad ng buwis.

Sinabi ng beteranong mambabatas na malaking kalokohan kung papatawan pa ng pamahalaan ang buwis ang ginagawa na nitong pangongolekta ng isang uri ng buwis. – GMANews.TV
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus