GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Paglago ng ekonomiya ng Pilipinas mabilis, ayon sa NEDA

September 2, 2010 8:09pm
MANILA – Inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagdinig ng House committee on appropriations nitong Huwebes na nakabawi ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa epekto ng global economic crisis.

Sa pagdinig ng komite na pinamunuan ni Cavite Rep. Joseph Emili Abaya, kaugnay sa hinihinging 2011 proposed national budget ng pamahalaan, sinabi ni NEDA Director-General Cayetano Paderanga Jr., na lumago ang ekonomiya ng bansa na umabot sa pinakamataas na 7.1 percent noong 2007.

Dahil sa economic meltdown na tumama sa mundo bunga na rin ng paghina ng ekonomiya ng US, bumaba ang economic growth ng Pilipinas sa 3.7 percent noong 2008, at 1.1 percent noong 2009.

Sa kabila nito, nakaiwas pa rin ang Pilipinas sa economic recession na dinanas ng ibang bansa.

"The recent global economic crisis pulled down this growth to 3.7 percent in 2008, 1.1 percent in 2009 from a high of 7.1 percent in 2007. The country avoided an economic recession even as the crisis weakened economies among its neighbors," paliwanag ni Paderanga.

Idinepensa ni Paderanga sa komite ang hinihinging P2.1 bilyong pondo para sa NEDA sa 2011.

Tiniyak din ng opisyal na determinado ang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na ibangon sa kahirapan ang buhay ng maraming Filipino.

"The Aquino administration is determined to significantly improve the lives of people, they are aiming for a higher level of growth and this will set up rates and remarkable impact of reducing poverty and increasing per capita income," ayon sa pinuno ng NEDA.

Ngayong 2010, target umano ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) na itaas ang gross domestic product (GDP) ng 5.0 percent hanggang 6.0 percent, at 7.0 percent hanggang 8.0 percent sa 2011.

Idinagdag ni Paderanga na puntirya ng DBCC na maabot ang gross national product (GNP) target na 7.0 percent hanggang 8.0 percent sa 2010, at 9.0 percent hanggang 10.0 percent sa susunod na taon.

Naniniwala ang opisyal na itutulak ng sektor mula sa manufacturing, trade, private services at finance ang paglago ng ekonomiya sa 2011.

"On the demand side; growth will be driven by personal consumption expenditures (PCE) which is the primary driver of the Philippine economic recovery, investments that will benefit from the expansion of construction and GDP stocks and government consumption," idinagdag ni Paderanga.

"On the supply side, there was an expansion in the private services, construction and mining and quarrying sub-sectors. On the demand side, private and government consumption and public construction mainly were the ones contributing to growth," paliwanag niya.

Inihayag din ng opisyal na maging ang iba pang bansa sa Asya ay nagpakita ng paglakas sa ekonomiya sa unang bahagi ng 2010. Ang pagbawi ng ekonomiya ay bunga na rin umano ng bumubuting kalagayan ng pandaigdigang kalakalan at pagdami ng mga namumuhunan. - GMANews.TV



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus