GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

2 OFWs nasawi, 3 pa sugatan sa aksidente sa KSA

October 5, 2010 8:52pm
Dalawang overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi, habang tatlo pa nilang kababayan ang nasaktan nang mabangga ng isang malaking trak ang kanilang service van sa Jeddah, Saudi Arabia.

Kabilang ang limang Pinoy sa 12 manggagawa sa isang pabrika sa Jeddah na sakay ng van nang banggain ng isang 14-wheeler truck habang papauwi na ang mga biktima mula sa trabaho noong nakaraang linggo.

Nakilala ang mga nasawi bilang sina Esmael M. at Joseph C. Habang ang mga nasugatan ay sina Butch Bengua, Edmon delos Santos at isang nagngangalang Robert.

Kuwento ni Bengua, papauwi na sila sa kanilang accommodation nang maganap ang aksidente dakong 4 p.m. Patawid na umano kanilang sinasakyan nang salpukin sila ng trak.

“Pagkadating namin sa gitna andyan na ang truck tinamaan ang sasakyan namin mismo sa gitna. Nung pagkabangga na nawalan na ako ng malay hindi ko na natandaan na umikot pa ang sasakyan naming. Nagising na lang ako na nakahinto na ang sasakyan at nagpumilit na akong lumabas," ayon kay Bengua.

Sinabi ni Delos Santos, nakaupo katabi ng drayber ng van, na matindi ang pinsalang tinamo sa ulo ni Joseph.

Kaagad naman nagtungo sa Jeddah mula sa Riyadh ang ama ni Bengue na si Mang Ruel nang malaman ang nangyari sa anak.

Bagamat panatag na ang loob ng nakatatandang Bengue dahil ligtas na ang kanyang anak, nag-aalala pa rin siya dahil mahihirapan daw itong makakilos dahil sa pinsalang tinamo sa aksidente.

Napag-alaman naman kay Gng Angelita, asawa ng nasawing si Esmael, na ikalawang aksidente na ito sa kanyang mister na natataon sa kanyang kaarawan.

“Para akong nakalutang sa hindi ko maintindihan, parang ang bigat bigat ng mga paa ko, parang hindi ako naniniwala na iniwan nya na ako," ayon kay Gng Angelita na nasa Jeddah rin.

“Noong 1991 naalala ko magbi-birthday ako nang maaksidente si Esmael. Wala siyang fracture kundi mga galos lang. Tapos ngayon sa birthday ko rin namatay na siya sa aksidente," dagdag niya.

Tiniyak naman ni Overseas Welfare Officer Benny Reyes na makakakuha ang mga naaksidenteng OFWs ng benepisyo kung sila ay mga aktibong miyembro ng OWWA.

Ang mga nasawing OFW na miyembro ng OWWA ay makakakuha ng P200,000 benepisyo bukod pa sa maaari nilang makuha sa kumpanya na kanilang pinasukan. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus