GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mala-‘Ondoy’ na bagyo posibleng tumama sa Cagayan Valley

October 15, 2010 5:25pm
MANILA – Binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong “Megi" na pinapangambahang magdudulot ng malakas na pag-ulan katulad ng bagyong “Ondoy" na nanalasa sa bansa noong 2009.

Sa pagtaya ng PAGASA, inaasahang papasok sa teritoryo ng Pilipinas si “Megi" (may codename na ‘Juan’) sa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga. Namataan ang bagyo nitong Biyernes ng umaga sa 1,300 kilometro sa silangan ng katimugang bahagi ng Luzon.

Inaasahang tatama ang bagyo sa lalawigan ng Isabela at Cagayan sa Lunes ng hapon. Malayo naman umano ang posibilidad na tumama ito sa Metro Manila.

Taglay ni “Megi" ang pinakamalakas na hangin na 105 kph malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 135 kph.




Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Nathaniel Servando, PAGASA deputy director for research and development, posibleng lumakas pa si “Megi" sa susunod na dalawang araw at taglayin ang lakas na hangin ng hanggang 150 kph.

"Landfall is based on the eye of the storm, but its circulation could be felt [as early as] Sunday afternoon in the two provinces [where it will make landfall]," paliwanag niya.

Nagbabala naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Mario Montejo, na mag-ingat ang publiko dahil maaaring magbuhos ng ulan si “Megi" na kasing tindi ni “Ondoy" na nagpalubog ng maraming lugar sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.

Batay sa pag-analisa ng mga opisyal, ang ulan na ibinuhos ni Ondoy ang pinakamatindi sa kasaysayan ng mula pa sa naitala noong 1967.

Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na huwag maglayag sa karagatan sa mga lugar na apektado ng bagyo simula sa Linggo ng umaga. – GMANews.TV



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus