GMA News Online
Showbiz

Pia Guanio speaks up about rumored breakup with Vic Sotto

October 26, 2010 7:40pm

PEP: Mainit pa ring pinag-uusapan at inaabangan ng marami kung ano talaga ang real score sa panabalitang hiwalayan ng TV host na si Pia Guanio comedian na si Vic Sotto.

Pero kahit may mga pagkakataon na nagbibigay ng pahayag si Pia, halata naman na maingat ito sa kanyang mga sinasabi. Katulad na lamang nang makapanayam siya ni Nelson Canlas para sa GMA News noong Linggo, October 24.

Binisita ni Pia ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) noong mismong araw ng kanyang kaarawan upang mamahagi ng mga pagkain at iba pang mga gamit ng mga hayop na pansamantalang nasa pangangalaga ng PAWS.

Nang tanungin kung kumusta na sila ni Vic ay ito ang kanyang naging pahayag:

"Pareho naman kaming in good terms with each other and alam niya 'yon. I'll always be... I'm here for him whenever he needs me. And he's also there naman for me whenever I need advice."

Sa tanong naman kung totoo ngang hiwalay na sila, halatang pinipili ni Pia ang kanyang mga salita.

"Like I said, this is something I really wanna keep between us. I really don't want to give a status report to the rest of the world every so often. I think yung relationship namin ni Vic has come to a certain maturity na hindi na kailangang i-label pa," saad niya.

NO THIRD PARTY. Kung pagbabasehan ang mga pahayag ni Pia at ang pananahimik ni Vic, lumalabas na may katotohanan ang usap-usapan na break na nga sila. (Read: Is Daiana Menezes part of Vic, Pia rumored breakup?)

Kinumpirma ito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ng isang source na malapit kay Pia. Pero idiniin ng source na "walang third party" sa kanilang paghihiwalay.

Ayon pa sa aming source, "pinagsabihan ng Eat Bulaga!" executives si Pia na huwag na lang magsalita tungkol sa hiwalayan nila ni Vic. Sa naturang noontime show ng GMA-7 at TAPE Inc. nagkakilala at nagkadebelopan ang dalawa.

Nakausap din ng managing editor ng PEP na si Karen Pagsolingan ang manager ni Pia na si June Rufino noong October 20, Miyerkules. Nang tanungin kung may katotohanan sa balitang hiwalayan ng kanyang talent at ni Vic, sinabi nito na hindi sila magsasalita.

Unang pumutok ang balitang break na sina Vic at Pia noong kalagitaan ng buwang kasalukuyan.

Bagamat ayaw nilang magsalita nung una, nagpaunlak ng exclusive interview ang Eat Bulaga! hosts sa Showbiz Central noong July 18—nasa loob ng studio si Pia samantalang via phone patch na nakausap si Vic. Isa sa mga co-host ng showbiz talk show si Pia.

Sa naturang panayam, inamin ng dalawa na "under construction" ang kanilang relationship noong mga panahong yun. Pero wala raw dapat ipag-alala dahil inaayos nila kung anumang problema sa kanilang relasyon.

Ilang beses din nilang inulit ang mga salitang "we're okay" at "we're good."

SWEET IN ANAHEIM. Pagkatapos ng panayam nilang iyon ay wala na halos narinig o nabasa tungkol sa rumored breakup nila—hanggang noong nakaraang linggo.

Lumabas sa isang daily broadsheet noong October 20 na kumpirmadong break na sina Vic at Pia mula pa raw noong July—the same month na nagpa-interview ang dalawa sa Showbiz Central kung saan inamin nilang "under construction" ang kanilang relasyon.

Marami ang nagulat nang naungkat muli ang balita tungkol sa kanilang breakup dahil nang magkasama sina Vic at Pia sa show ng Eat Bulaga! sa Anaheim, California noong September ay walang nakitang senyales na may tensiyong namamagitan sa dalawa.

Sweet kasi ang dalawa noong nasa U.S. sila.

Ayon sa report ni Anna Pingol para sa PEP, bagamat wala sila gaanong bonding moments dahil gahol sa oras ay hindi naman naghihiwalay sina Vic at Pia liban lamang noong araw ng rehearsals.

Hindi na rin sumama si Pia sa last leg ng meet-and-greet the previous night dahil alam niyang parating na si Vic sa hotel at gusto niyang asikasuhin ito pagdating sa hotel.

Nang sumunod na araw, sinamahan pa ni Vic si Pia nang i-meet nito ang ilang kamag-anak niyang naka-base sa California.

Panay rin ang biro ni Vic kay Pia bilang pang-aalaska dito. Halimbawa sa rehearsals ay ginagaya nito ang pagsayaw ni Pia, na aminado namang hindi kagalingang magsayaw.

Sa backstage naman before the show noong September 18 ay kinurot pa ni Vic si Pia sa may bandang kili-kili habang nakatalikod ito at busy sa pagpo-pose à la-model para sa mga camera. Natatawang nagalit kunyari si Pia at hinabol ito, sabay malambing na nagbitiw ng, "Ano ba?"

Lagi rin daw magkatabi sa backstage sina Vic at Pia habang hinihintay magsimula ang show. Matiyag rin daw naghintay si Vic sa may back door kay Pia na busy pang nakipag-usap right after the show.

Kung totoong break na sila noong July, ano ang ibig sabihin ng pagiging sweet nila sa U.S.? Ito ba ay dahil sila pa rin o dahil napanatili nila ang kanilang magandang pagkakaibigan?

Ang mga katanungang ito ay tanging sina Vic at Pia lamang ang makakasagot. Pero hangga't nananatili silang tahimik ay patuloy ang pag-iisip ng marami kung ano nga ba tunay na estado ng kanilang relasyon. - Erwin Santiago, PEP




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus