GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Aquino govt kaya raw magbigay ng dagdag na Xmas bonus sa mga empleyado

November 23, 2010 11:48pm

MANILA – Sinabi ng isang kongresistang kaalyado ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na malaki ang natipid ng gobyerno sa gastusin sa nakalipas na mga buwan na maaaring gamitin bilang Christmas bonus sa tinatayang 1.1 milyong kawani ng pamahalaan.

Ayon kay House Deputy Speaker Rep. Lorenzo Tanada III, tagapagsalita ng LP, tinatayang aabot sa P54.2 bilyon ang savings ng pamahalaan sa nakalipas na siyam na buwan.

“If we look at the government’s disbursement record, we can say that savings from underspending can accommodate more yearend benefits," pahayag ng mambabatas.

Kabilang sa mga natipid ng pamahalaan ay ang pondong inilaan sa “personal services" na P350.8 bilyon para sa unang tatlong bahagi ng taon pero P336.5 bilyon lang umano ang nagastos.

Kung nais umano ni Aquino na magsilbing Santa Claus sa mga kawani ng pamahalaan, maaaring gastusin ng gobyerno ang natipid na P14.3 bilyon para ilaan sa karagdagang bonus ngayong Pasko.

Sa ilalim ng batas, ang mga kawani ng pamahalaan ay maaaring tumanggap ng Christmas bonus na katumbas ng isang buwang sahod at karagdagang P5,000 cash gift.

“Any additional yearend pay is a matter of presidential prerogative or what he called as an “act of executive grace," ayon kay Tanada.

Kamakailan ay inihayag ni Budget and Management Sec Florencio Abad na ipagkakaloob sa mga kawani ng pamahalaan ang nalalabing bonus simula nitong Nobyembre 15.

Nitong nakaraang linggo, inutos ni Aquino sa mga opisyal ng pamahalaan na pag-aralan ang pagkakaloob ng performance bonus sa kanilang mga tauhan, na magsisilbing dagdag na bonus sa pagtatapos ng taong 2010.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Tanada na nakatanggap ang mga kawani ng pamahalaan ng P10,000 karagdagang bonus na kung minsan ay tinatawag na Productivity Enhancement Incentives o Performance Bonus.

Sa kabila pa rin ng kinakaharap na malaking budget deficit sa pagtatapos ng 2010, tiwala si Tanada na hindi ito balakid para hindi mapasaya ni Aquino ang mga kawani ng gobyerno.

“Although the government will post a deficit this year, this is mainly due to revenue slippages, from the income side. But from the viewpoint of spending, it is clear that there was belt-tightening. And our appeal is that government loosen it a bit in the spirit of the season, by plowing back foregone expenses to the people who made them possible," paliwanag ni Tanada. - GMANews.TV
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus