We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Hindi maipagkakailang sobra ang saya ni Jolina Magdangal ngayon. Bukod kasi sa magandang takbo ng kanyang career, maganda rin ang takbo ng kanyang buhay pag-ibig. Masasabi nga ni Jolina na "sobrang merry" ang kanyang Christmas this year dahil nandiyan ang kanyang boyfriend na si Mark Escueta, na dalawang Pasko na niyang makakasama. Sa taping ng Grazilda sa Sta. Mesa, Manila, last week, tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jolina kung ano ang plano nila ni Mark ngayong Pasko. Balak ba nilang mag-celebrate ng Pasko sa Pilipinas or sa ibang bansa? "So far, wala kaming mga plano," sagot ng multi-media star. "Kasi nga, this month, maraming gigs ang banda niya [Rivermaya]. "Tapos ako rin naman, may mga raket din ako sa kunsaan-saan, di ba? "Kaya wala kaming ginagawang plano ni Mark. "Kasi baka maunsyami lang, sayang ang effort namin na magplano, di ba? "Kaya ang drama namin ngayon ay live for the moment. "Kung ano ang mangyari sa araw na ito, or sa mga susunod pang mga araw, yun ang bigay ni Lord sa amin ni Mark. "Ayaw naming pangunahan ang mga gusto Niya sa amin. "Sabi nga sa Bible, 'Thy will be done,' di ba? "Kaya kung ano ang dumating, pasasalamatan naming dalawa." FAMILY DINNER. Last Christmas kasi ay pumunta sina Jolina at Mark sa bahay ng kani-kanilang mga pamilya para magsalo-salo. Feeling ni Jolina ay mangyayari ulit iyon this Christmas. "Tradition na kasi 'yan ng parehong pamilya namin, e," sabi niya. "Gusto namin na sama-sama sa Pasko at walang umaalis ng bansa hangga't maaari. "Last Christmas, yun ang unang Pasko namin ni Mark. "Masaya kasi nakilala ko ang buong family niya, tapos ipinakilala ko rin siya sa family ko. "Ngayon, second Christmas naming dalawa. "Masasabi ko na this is one of my best Christmases. Iba ang feeling, e. "Ilang Pasko rin ang dumaan noon na loveless ako, di ba? "Ngayon, nakakadalawang Pasko na ako na may bonggang love life. "Sino naman ang hindi magiging happy, di ba? "Hindi lang naman ako ang masaya kundi pati ang pamilya ko. "Masaya sila sa nakikita nila sa akin ngayon. "Tsaka mahal nila si Mark at parte na siya ng pamilya namin talaga." GIFTS FOR EACH OTHER. May nabili na ba siyang Christmas gift para kay Mark? "Pinag-iisipan ko pa kung ano talaga ang gusto niya, e. Marami kasi siyang hilig. "Hindi ko alam kung ano ang pinakagusto niya, kaya careful ako. "Gusto ko siyempre na regalo na pinag-isipan kong ibigay. Hindi yung basta nagbigay ka lang. "Anyway, maiisip ko rin kung ano ang gusto niya. "Pakikiramdaman ko na lang para tama ako!" natatawang sabi ni Jolens. Alam na rin kaya ni Mark kung ano ang ireregalo sa kanya? "Siguro naman!" tawa niya ulit. "Sa totoo lang, nasa edad na tayo na we don't expect so much kung ano ang ireregalo sa atin. "Mas concerned ka sa kung ano ang maibibigay mo, di ba? "Kahit na isang Christmas card lang 'yan, basta alam mong galing sa puso niya ang pagbigay no'n, bonggang gift na 'yon sa akin. "Siguro, kahit sabihin nilang corny, tama na yung magkasama kaming dalawa sa Pasko. "Enough na 'yon for me." - Ruel J. Mendoza, PEP