GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Epekto sa Pinas ng mga kaguluhan sa ilang bansa sa M.E. dapat daw paghandaan

February 23, 2011 12:41am
MANILA – Nanawagan si Senador Manny Villar sa pamahalaan na paghandaan ang magiging epekto sa ekonomiya at pamumuhay ng mga Pilipino dahil sa mga nagaganap na kilos protesta sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan.

Dahil sa mga nagaganap na protesta, sinabi ni Villar, chairman ng Senate committee on trade and economic affairs, na asahan na maaapektuhan ang presyo ng krudo sa world market at magiging dahilan ng pagtaas sa presyo sa mga produktong petrolyo sa lokal na merkado.

Kung magpapatuloy at tumagal ang mga kilos-protesta sa Yemen, Libya, Bahrain, Iran at Morocco, dapat umanong pag-aralan ng gobyerno ang pangmatagalang epekto nito sa pangkalahatang ekonomiya ng Pilipinas.

Bukod sa presyo ng mga produktong petrolyo, sinabi ni Villar na maaaring maapektuhan din ang ipinapadalang remittances ng mga overseas Filipino workers na maaaring mawalan ng trabaho dahil sa mga kaguluhan.




Nitong Lunes, tumaas ang presyo ng krudo ng US$2.50 bawat bariles sa pandaigdigang pamilihan dahil sa kaguluhan sa mga bansang pinagkukunan ng langis.

“Ang pagtaas ng presyo ng langis ay maaaring maging sanhi ng pagliit ng kita dito sa bansa. Ito ang dahilan kung bakit dapat maging maayos ang pag-aaral ng gobyerno sa magiging epekto ng matagal na krisis sa Middle East sa presyo ng krudo sa world market at sa remittance ng mga OFW," paliwanag ni Villar.

Nangangamba ang senador sa magiging epekto sa ekonomiya kapag naapektuhan ang remittances ng mga OFW kapag nagtagal ang krisis pulitikal sa mga oil-rich Arab countries.

Binigyan-diin ni Villar na ang bilyong dolyar na ipinapadala ng mga OFW at kita sa lumalagong business process outsourcing (BPO) o call center ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas sa nakalipas na mga taon.

“Dapat mahigpit na bantayan ng gobyerno ang sitwasyon sa naturang mga bansa para mapaghandaan natin kung ano ang kinakailangang gawin. Lalo na sa repatriation ng mga Pinoy na nagtatrabaho doon," panawagan niya.

Sa nabanggit na mga bansa, pinakamalubha ang sitwasyon sa Libya. Nag-alok na ang Pilipinas sa may 30,000 Pinoy doon na ililikas sa mas ligtas na lugar.

“Our operating instruction is that those Filipinos living in Tripoli should contact the embassy of their desire to be repatriated to Manila. Don’t leave unless you have cleared it with the embassy or contact your local Filipino coordinators to indicate your desire to go back," pahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Esteban Conejos. - GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus