GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Mamamahayag na naging pangulo ng Pinas

April 6, 2011 10:23pm
Kilala niyo ba kung sino ang dating pangulo ng bansa na naging editor at publisher ng isang pahayagan sa murang edad na 22?

Si dating Pangulong Sergio Osmeña ay namuno sa Pilipinas mula 1944 hanggang 1946. Bilang bise presidente ni dating pangulong Manuel L. Quezon, humalili sa pinakamataas na puwesto sa bansa si Osmeña nang biglang pumanaw si Quezon noong 1944 dahil sa sakit habang nasa Amerika.

Nagmula si Osmeña sa prominenteng angkan sa lalawigan ng Cebu. Kumuha siya ng abogasiya sa University of Sto Tomas, at naging second placer sa Bar exam noong 1903.

Bente-dos anyos si Osmena nang itatag niya at pamunuan ang pahayagang El Nuevo Dia (The New Day). Tumagal ng tatlong taon ang pahayagan at ipinasara nang makainitan ng mananakop na Amerika dahil sa pagtalakay sa kontrobersiyal na engkuwentro sa Balangiga, Samar.

Nang magtapos ng abogasya, naging bahagi si Osmeña ng legal team ng dating gobernador ng Cebu na si Juan Climaco. Hindi naglaon, pumalaot na siya sa pulitika at naging gobernador ng lalawigan sa edad na 27.

Bukod sa pagiging gobernador, nahalal din si Osmeña bilang Assemblyman noong 1907, at Senador noong 1922 sa ilalim ng Nacionalista Party. Pagsapit ng 1924 elections, tumakbo siyang pangalawang pangulo ni Quezon.

Sa itinakdang panguluhang halalan noong Abril 1946, natalo si Osmeña kay Manuel Roxas na naging pambato ng Liberal Party. Pagkaraan ng kabiguan sa naturang halalan, tahimik na nagretiro si Osmeña sa Cebu at pumanaw dahil sa sakit noong Oktubre 1961 sa edad na 83. - FRJimenez, GMA News