GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

BIR pinayuhang tahimik na usigin ang mga inaakusahang tax evader

April 8, 2011 5:50pm

MANILA – Pinayuhan ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang pinuno ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na tahimik na usigin sa kasong tax evasion si Ang Galing Pinoy party-list Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo.

Sa ganitong paraan ay hindi umano mahahaluan ng pulitika at hindi maaakusahan ang pamahalaang Arroyo ng “political harassment," ayon kay Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo.

Nagpatawag ng pulong balitaan nitong Huwebes ang BIR at Department of Justice at isiwalat ang ilang personalidad na umano’y hindi nagbabayad ng tamang buwis. Kabilang sa mga kinasuhan ng tax ang asawa ni Arroyo na si Angela Montenegro at ang Brazilian model-TV host na si Daiana Menezes.




Ngunit sa halip na ipresenta sa media ang mga inaakusahang hindi nagbabayad ng buwis, sinabi ng Obispo na mas makabubutikung dalhin sa tamang korte ang reklamo at doon ipakita ang katibayan laban sa mga inaakusahan ng BIR.

“They should be ready for this to bring it to the court and to justify it to the department of justice and to pursue it if they are committed and they are very very certain they should pursue it instead of just blowing it up in media and it can become political harassment," pahayag ni Bagaforo sa panayam ng Radyo Veritas nitong Biyernes.

Ayon kay Arroyo, hindi siya binigyan ng sapat na panahon ng BIR na ipaliwanag ang mga kinukuwesityong taon kung saan sinasabing hindi siya nagsumite ng Income Tax Return.

Dagdag pa ng kongresista, nitong Martes lamang niya natanggap ang reklamo ng BIR tungkol sa kanyang ITR, at may sampung araw siyang palugid para ipaliwanag ang naturang usapin pero hindi na ito hinintay ng BIR.

Naniniwala si Bagafloro na marami pang malalaking pulitiko sa bansa ang hindi nagbabayad ng tamang buwis na kailangang habulin ng pamahalaan.
Pakita mo ITR mo

Matapos magreklamo si Arroyo na ginigipit lang siya ng pamahalaan, hinamon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang kongresista na ipakita nito ang kanyang kinukuwestiyong ITR.

"We are not singling them out. There are actually greater tax deficiency collections and to that end, we have been filing cases as necessary so that tax collection efficiency ratio could be improved. Nagkataon umabot na po sa kanila," ayon kay Aquino.

"Hindi na ako makikipagtalo. There is only one issue, he earned income, as stated in his Statement f Assets and Liabilities, but his ITR is nowhere to be found. Ipakita niya ang ITR niya," dagdag ng pangulo.

Hindi na umano dapat ilihis ni Arroyo ang usapin tungkol sa ITR, ayon kay Aquino.

"May obligasyon kang magbayad nang buwis. Ang akusasyon, hindi ka nag-file man lang. So ulitin ko lang, marami pang sasabihin, simple lang naman: kung nagbayad ka ng buwis, ipakita mo ang income tax return mo tapos ang isyu," pahayag niya. — GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus