GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Pinoy na dating kawani, naging matagumpay na negosyante sa KSA

April 19, 2011 7:03pm
JEDDAH – Taong 1992 nang makipagsapalaran sa Saudi Arabia bilang overseas Filipino worker si Martin Ramos. At pagkaraan ng 14 na taon, nagtayo na siya ng sarili niyang negosyo.

“Masarap na ibalik natin sa kapwa natin OFW ang grasyang aking natatanggap
sa pagnenegosyo" masayang pahayag ni Ramos matapos siyang magbigay ng mga pagkain sa mga nagigipit na kababayan na nasa Hajj Seaport Terminal sa Jeddah na mas kilala sa tawag na “safehouse."

Empleyado sa isang travel agency ang pinasukan ni Ramos noong 1992. Nang makaipon at mapag-aralan ang pagpapatakbo ng naturang negosyon, nagbukas siya ng sariling travel agency limang taon na ang nakararaan – ang InterContinental Travel.

Kuwento ni Ramos, tubong Marikina City, bukod sa maliit na halaga, ang sipag, tiyaga at malakas na pananampalataya sa Panginoon ang naging puhunan niya para maitayo ang kanyang travel agency.

Isa rin daw sa naging susi nang kanyang tagumpay ay ang magandang pakikisama na kanyang ipinakita sa mga naging kaibigan at kliyente.

Ibinabalik ni Ramos sa kapwa ang nakamit na biyaya sa paraan ng pagtulong sa mga distressed OFW, pagkakaloob ng trabaho sa mga kababayan, at nagbibigay kasiyahan sa mga naho-homesick na OFWs.

Nakapagpatayo na siya ng isang basketball court para magkaroon ng lugar na paglalaruan ang mga OFWs na mahilig sa basketball. Dumadalo rin siya at sumusuporta sa iba’t ibang Filipino organization.

Nagbibigay din siya ng mas mababang presyo ng pamasahe sa kababayan at ang mabilis na pagkumpirma ng kanilang mga flight schedule.

Sa kanyang pagsisikap, napag-aral ni Ramos ang kanyang tatlong anak at nakagpatapos na sa kolehiyo ang isa.

Umaasa si Ramos na marami pang Pinoy na katulad niya ang magtatagumpay sa kanilang mga binabalak na pagnenegosyo saan mang lugar sila naroroon.

Sinabi naman ni Philippine Consulate Officer in Charge Consul Leo Tito Ausan
Jr. na kabilang si Ramos sa napakaraming OFWs sa Jeddah na nagiging maganda ang resulta ng kanilang pagsisikap.

Magandang halimbawa umano si Ramos na dapat pamarisan ng mga nagnanais na umasenso sa buhay. - Ronald Concha, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus