GMA News Online Showbiz » Chika Minute

AJ Perez’s mom: ‘He always makes us happy kahit until the end’

April 20, 2011 10:28pm
Sa gitna ng pagdadalamhati, pilit na nagpapakatatag ang ina ng pumanaw na young actor na si AJ Perez. Sa panayam ng GMA News, nagpasalamat si Gng Marivic Perez sa lahat ng nakiramay at nag-alay ng dasal para sa kanyang anak.

Sa panayam ni entertainment reporter Aubrey Carampel para sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Gng Perez na kailangan niyang magpakatatag para sa isa pa niyang anak, si Jelo.

“I think AJ is helping me kasi I always asks him, sabi ko ‘anak give me more strength, you know naman it's really hard for me and your dad, your brother Jelo. So I really have to be strong kasi still have another child, I have Jelo with me. I’m sure matutuwa rin si AJ," ayon kay Gng Perez.

Labis ang pasasalamat ng ina ni AJ sa mga nakiramay sa kanila at nagpaabot ng pagmamahal sa kanyang pumanaw na anak. Hindi umano niya iyon inaasahan.

“I really want to thank them for all the overwhelming support and then the prayers, the love, talagang grabe hindi namin ini-expect ‘to. I'm so proud of my son, he always makes us happy kahit until the end," dagdag ni Gng Perez.

Kabilang sa mga dumalaw sa burol ni AJ at nakisimpatya sa pamilya Perez ay si Starbox host Ali Sotto, na namatayan din ng anak dahil sa aksidente.

Taong 2003 nang aksidenteng mahulog sa condo at masawi ang anak ni Ali na young actor din na si Mico Sotto.




Ayon kay Gng Perez, makatutulong sa kanila ang mga naturang pakikiramay bagaman alam niya na magiging matagal ang proseso upang matanggap niya ang nangyari sa anak.

Si AJ ay nasawi matapos bumangga sa isang bus ang sinasakyan nitong van sa Tarlac.

Ikinuwento rin ni Gng Perez na napanood niya sa telebisyon ang bulag na dalagitang mang-aawit na si Fatima Soriano nang gabing maaksidente si AJ.

Nais sanang i-donate ng pamilya ni AJ kay Fatima ang cornea ng aktor pero hindi ito akma sa pangangailangan ng mata ng dalagita para makakita.

Sa ulat ng 24 Oras nitong Martes, maluwag sa loob na tinanggap ni Fatima ang kapalaran na hindi para sa kanya ang cornea ni AJ.

Sinabi ni Gng Perez na dalawang lalaki (isang anim na taong-gulang at isang 28-anyos) ang maaaring maging recipient ng mga cornea ni AJ.

Sa Martes nakatakdang ilibing si AJ sa Manila Memorial Park sa Paranaque. - FRJimenez, GMA News
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus