GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Iwa Moto, nasugatan matapos magwala dahil sa galit sa ex-boyfriend

May 12, 2011 8:46pm

Tags: Iwa Moto
Dinala sa ospital ang Kapuso sexy star na si Iwa Moto dahil sa tinamo nitong mga sugat sa katawan matapos magwala bunga ng labis na galit sa ex-boyfriend na si Mickey Ablan.

Tanghali nitong Huwebes nang magwala si Iwa at basagin ang windshield ng isang sasakyan na sinasabing pag-aari ni Mickey.

Dahil sa ginawang pagpokpok sa windshield, nagtamo ng mga sugat sa kamay ang aktres, bukod pa sa sugat nito sa tuhod matapos umanong madapa.

Inabutan pa ni entertainment reporter Nelson Canlas si Iwa na nagsisigaw at umiiyak sa gilid ng GMA compound sa Timog Avenue, Quezon City.




Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras, napag-alaman na pinuntahan daw ni Mickey si Iwa sa kalagitnaan ng taping nito sa Kapuso compound.

Ilan buwan nang hiwalay ang dalawa pero nakikipagbalikan umano si Mickey sa aktres.

Dahil nasa kalagitnaan ng trabaho, pinapapaalis umano ni Iwa si Mickey na nagpipilit siyang makausap.

Nagalit si Iwa nang tangayin umano ni Mickey ang kanyang cellphone. Gusto raw kasi ng binata na makita ang mga text messages kay Iwa at malaman kung sino ang bago nitong boyfriend.

Bukod dito, may ginawa pa umanong pagbabanta si Mickey.

Pilit na hinabol ni Iwa ang dating nobyo at nang hindi abutin ay pinagbalingan ng galit ang kotse nito.

Matapos magamot sa ospital, maika-ikang bumalik sa trabaho si Iwa.

Makikipag-ugnayan umano ang aktres sa kanyang abogado at posibleng humingi siya ng proteksiyon sa mga awtoridad.

Samantala, sinisikap naman ng GMA News na makuha ang panig ni Mickey. - FRJimenez. GMA News
Go to comments

Tags: Iwa Moto