GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Mga kabataan, nagpatalbugan sa streetdancing sa Pandawan Festival sa Nueva Ecija

May 12, 2011 9:40pm

Nagpatalbugan ang labing tatlong grupo ng mga kabataan mula sa iba't-ibang barangay sa bayan ng Pantabangan, Nueva Ecija sa ginanap na streetdancing and dance showdown sa "Pandawan Festival 2011".

Sa kabila ng matinding sikat ng araw ay walang kapagurang ipinakita ng mga contestant ang kanilang talento sa pagsasayaw sa harap ng may halos anim na libong taong manonood.

Sa pamamagitan din ng pagsasayaw, props at kasuotan ng mga mananayaw ay ipinakita ng mga bawat grupo ang pasasalamat sa masaganang buhay ng mga mamamayan ng Pantabangan sa pangingisda.

Ayon kay Pantabangan Mayor Romeo Borja Sr., dating bukirin ang lugar na ginawang dam kaya naging lawa na ang dating malawak na bukirin kaya ito ay kinalatan ng maraming isda na isa sa pangunahing pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga mamamayan dito, bagay na ipinagpapasalamat ng bayan ngayong kanilang kapistahan.

Matapos ang pagpapakitang gilas ng mga kalahok sa streetdancing competition, muling tinanghal na panalo ang grupo mula sa Brgy. Villarica na tumanggap ng trophy at P100,000 cash. Sinundan naman ito ng Brgy. Convertion na nasungkit ang ikalawang pwesto na pinagkalooban ng trophy at P50,000 cash habang nasa 3rd prize naman ang Brgy. West Poblacion na nagkamit ng tropeo at P30,000.

Ayon kay Bong Masa, ang group leader grupo mula sa Brgy. Villarica, pinawi ng kanilang pagkapanalo ang kanilang mga hirap at sakripisyo sa ilang buwang pagsasanay. Tiniis daw ng kanilang mga miyembro ang tambak-tambak na galit na sa kabila nito disiplina ang namutawi hanggang sa huli.

Aniya, "Masayang masaya kami na for the second time around champion po uli kami..Mabuhay Pandawan Festival"!

Samantala, kasabay ng Pandawan Festival ng Pantabangan, Nueva Ecija, nagsagawa din ng streetdancing competition sa San Jose City sa kanilang "Pagibang Damara Festival 2011".

Dito pitong kalahok na pawang mga estudyante mula sa High School sa iba't-ibang paaralan sa lungsod ang nagtagisan ng galing sa pagsasayaw.

Ito ay bilang pasasalamat ng mga magsasaka sa kanilang magandang ani. Kung dati Rice Festival ang ginaganap, ngayong taon ginawa ng lungsod ang kapistahan na "Pagibang Damara" para kumatawan ng lahat ng ani ng syudad gaya ng sibuyas, tanduyong, palay.

Hango sa pagtatanim ang karaniwang makikita sa kilos at galaw ng mga streetdancers sa saliw ng iba't-ibang tugtugin o musika.

Dahil maraming festival ang lalawigan ng Nueva Ecija, naniniwala naman ang Provincial Government na inakailangan itong pagyamanin para maiwasan ang pagiging dayuhan sa sariling bayan. Dito rin kasi makikita ang iba't-ibang kaugalian at tradisyon ng mga Novo Ecijano. --Glamorfe Calicdan




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus