ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Apat na kalalakihan, kalaboso matapos mahuling nagbebenta ng umano'y pekeng ginto sa Ilocos!


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Arestado ang apat na lalaking hinihinalang miyembro ng sindikatong nagbebenta ng pekeng gold bar sa Laoag City, Ilocos Norte. Nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Winston Idulan, Noli Pascual, Rolando Barbosa at Rodolfo Feria na parehong tubong Cagayan. Unang nagtungo ang mga suspek sa bahay ng otsenta’y otso anyos na lolang si Mamerta Andres para kumbinsihing bibilhin ang di umano’y sampung kilong gold bar. Mismo pang kaanak ng matanda ang nagpakilala sa mga suspek at dito nakapagbigay ng 25 thousand pesos bilang paunang bayad. Muling tinawagan ng mga suspek ang lola upang magbigay ng karagdagang tatlong libong piso para maibigay na ang sinasabing gold bar. Pagdating sa lugar na pinag-usapan, agad silang tumawag ng tulong sa pulisya dahil sa kahinahinalang galaw ng mga nagbebenta at dito na nakorner ang apat na suspek. Depensa naman ng isang suspek na mismong kaanak pa ng biktima, isasauli daw sana nila ang pera pero agad naman silang dinakip ng mga pulis. Ayon sa pulisya, hinihinalang miyembro ng bodol-bodol gang ang mga suspek . Narekober din ng otoridad ang pekeng gold bar. Agad namang kinulong sa Laoag City Jail ang mga suspek matapos makasuhan sa piskalya. --Glamorfe L. Calicdan