ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

May nagaganap nga bang sibling rivalry sa mga anak ni Francis M?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isa pang anak ng yumaong “Master Rapper" na si Francis Magalona ang pumasok sa showbiz. Mapapanood sa ‘Dramarama sa Hapon’ ng GMA 7 na, Blusang Itim si Frank Magalona. Si Frank ang panganay na anak na lalaki nina Pia at Francis M. Tinapos lang daw muna ni Frank ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo bago niya nagdesisyong pasukin ang showbiz. Ngayon ay napapanood si Frank bilang leading man ni Kylie Padilla sa afternoon soap na Blusang Itim. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Frank na negosyo sana ng kanilang pamilya ang aasikasuhin niya pero biglang dumating ang oportunidad na makapasok siya sa showbiz. Bukod kay Frank, ang iba pang mga anak nina Francis at Pia na nasa showbiz ay sina Maxene, Saab, Arkin at Elmo. Si Elmo ang pinapaniwalaang sumusunod sa yapak ng kanyang ama pagdating sa pag-awit. Pero paglilinaw ng magkakapatid na Magalona, walang sibling rivalry na namamagitan sa kanila. Katunayan pagdating sa kanyang trabaho sa showbiz, sinabi ni Frank na humihingi pa nga siya ng ilang advice sa kanyang mga kapatid na nauna sa kanya sa industriya. Idinagdag ni Elmo na magkakaiba naman ng larangan sa showbiz pinupuntahan nilang magkakapatid. Si Frank ay nalilinya sa drama, habang siya naman ay mas nakatuon sa pagkanta. Nanindigan din si Maxene na walang sibling rivalry na nangyayari sa kanilang magkakapatid. Ito ay kahit pa umano may ilan na gustong palabasin na mayroon nagaganap na kompetisyon sa kanila. - FRJ, GMA News