GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Paglipat sa summer months ng school opening, 'di raw makabubuti sa mga estudyante

June 10, 2011 11:17pm
MANILA – Nagbabala ang kinatawan ng mga guro sa Kamara de Representantes na posibleng magdulot ng mas malaking problema sa pag-aaral ng mga kabataan kapag inilipat sa panahon ng tag-init ang pagbubukas ng klase.

Ayon kay Party-list Rep. Antonio Tinio ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), dapat ikonsidera sa mga mungkahi na ilipat ang pagbubukas ng klase sa Setyembre -- mula sa kasalukuyang Hunyo -- ang matinding init ng panahon na nararanasan sa buwan ng Marso, Abril at Mayo.

"Alam naman natin ang conditions ng public schools - overcrowded classrooms and inadequate ventilation. The conditions will be inhumane and not [be] conducive for learning for students," paliwanag ng kongresista sa GMA News Online nitong Biyernes.

Nitong Huwebes – ang ika-apat na araw ng pagsisimula ng pasukan ngayong taon – kinansela ng Department of Education (DepEd) ang pasok sa elementary at high school dahil sa mga pag-ulan na dulot ng bagyong 'Dodong.'

Sa ulat ng GMA News TV's State of the Nation, lumitaw sa talaan ng DepEd na halos umaabot sa isang buwan ang araw ng pasok sa mga eskuwelahan ang nakakansela dahil sa bagyo.

Dahil dito, muling nabuhay ang usapin tungkol sa mga inihaing panukalang batas na ilipat ang pagbubukas ng klase sa Setyembre.

Handa naman umano ang DepEd na talakayin ang mga mungkahi.

"We are open to anything that would help ensure the comfort of our school children," pahayag ni Kenneth Tirado, Communications Unit head ng DepEd.

Ngunit paliwanag ni Tinio, ilang bahagi lang ng bansa ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha kapag may bagyo kaya hindi nararapat na ipatupad sa buong bansa ang paglilipat ng pagbubukas ng klase.

Taliwas umano ito sa panahon ng tag-init na nararanasan sa halos buong bansa.

Bukod pa rito, lumitaw daw sa isinagawang survey ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni dating Sec Jesli Lapus, na mayorya sa mga school official at guro ang tutol na ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase.

"Typhoons and floods usually [only affect] Metro Manila and certain parts of Central Luzon," ani Tinio. "In many parts of the country, the situation is not like that. That's one reason why the proposal has never really gotten past informal discussions."

Sa halip na ilipat ang pagbubukas ng klase, mas makabubuti umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan na paghusayin ang mga proyekto para mawala ang baha sa lansangan, ayusin ang mga kalsada at sirang mga paaralan.

"Fix the infrastructure and drainage and fix the flood control… If that's fixed, going to school when it's raining should not be a problem," paliwanag niya. -- Candice Montenegro/ FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus