GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Neneng pa ang bayan ko

July 9, 2011 7:59pm
Isa po akong OFW dito sa Kuwait. Nais ko po sanang makibahagi sa inyong pitak. Hindi man tuwiran ang aking pagtukoy, nais ko po sanang ipamahagi ang aking saloobin.


Hindi tayo natuto sa mga aral na iniwan ng panahong lumipas. Halimbawa na lamang sa ating pamahalaan na kung saan marami ang animo’y maharlika, at ang turing sa mamamayan ay mga alipin ng batas.
– Dahn Jacob
Sa lipunang ating kinabibilangan marahil masasabi kong marami ang may adhikain na makamit ang tunay na kasarinlan. Ngunit ano nga ba ang kalayaan sa panahong ito? Hindi ba’t karamihan din sa atin ay may kanya-kanyang kapamaraan upang ipagsigawan ang nais nating kasaganahan at luwalhati na noon pa ma’y nararapat naman nating tinatamasa.

Patuloy lamang na umiinog ang mundo at patuloy ang alingawngaw ng kasaysayan. Sa aking pananaw, hindi tayo natuto sa mga aral na iniwan ng panahong lumipas.
Halimbawa na lamang sa ating pamahalaan na kung saan marami ang animo’y maharlika, at ang turing sa mamamayan ay mga alipin ng batas.

Hindi ko naman inilalahat, ngunit may mga bagay na dapat mas pagtuunan ng pansin gaya na lamang ng lumolobo nating populasyon, sapat na edukasyon at hindi mawawala ang lumalalang kahirapan.

Lugami ang mahigit sa kalahating porsiyento ng ating bayan. Maraming isinabatas ngunit hindi naman tunay na ipinatutupad upang mas mapaglaanan ng kaban ng bayan ang mga suliraning minana pa natin sa ating mga ninuno.


Hindi ko hangad maging banal ngunit nauunawan ko kung ano ang dapat kong ipaglaban. Ang panibugho na namumuo sa atin ay nararapat isantabi. Huwag sana tayong tumulad sa manananggal na uhaw sa dugo – mga inosenteng sibilyan na tinatanggal ng karapatan.

Peklat nang maituturing ang kawalang-saysay ng mga alituntunin at batas na ginugulan ng pansin ngunit hindi naman naisakatuparan upang pagtibayin ang bayang ito. Marka na nagpapaalala kung gaano pa kalayo ang dapat nating marating.

Nangangalumata ang iba sa pagnanais na ibangon ang ating lupang tinubuan at ang iba nama’y nakaupo lamang sa kinaluklukan. Kelan ba aahon ang bansang ito? Kung ang sambayanan ay matuto lamang na magkaisa at maunawaan ang wagas na bayanihan, marahil may patutunguhan ang Pilipinas at hindi na lamang magsisilbing nasa yungib at malayo pa sa kaunlaran.

Ang pagkakapit-bisig ng Simbahan at gobyerno ay magandang simulain. Hindi naman din lingid sa kaalaman ng iba na hiwalay ang estado at simbahan. Sa usaping ito, hindi ako tumututol o sumasang-ayon sa anumang panig. May sarili akong katayuan, ang nais ko sana’y ang kalayaang magpahayag ay idaan sa maayos na paraan.

Hindi ko hangad maging banal ngunit nauunawan ko kung ano ang dapat kong ipaglaban. Ang panibugho na namumuo sa atin ay nararapat isantabi. Huwag sana tayong tumulad sa manananggal na uhaw sa dugo – mga inosenteng sibilyan na tinatanggal ng karapatan. Sa bawat hugot ng ating hininga’y magsilbing palatandaan ng pag-usad sa bagong bukas.

Dalangin ko’y hindi na lamang tayo mistulang kuyukot ng mga karatig-bansa o isang dikya na walang gulugod at umaayon lamang sa dikta ng karamihan. Umaasa akong tanging halinghing na lamang ang marririnig ko sa bayang sinilangan, na animo’y pulot-pukyutan. Hindi na sigawan at balyahan sa daan. Neneng pa ang ating bayan.

Magandang araw, salamat, mabuhay ang Pilipino. – GMA News

Dahn Jacob

Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso.

Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras.

Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus