GMA News Online
Showbiz

‘Sexy’ photo ni Lovi Poe para sa billboard ng Belo, ‘di nakapasa

July 19, 2011 5:44pm
--Photo mula sa Twitter page ni Dra Vicki Belo
Malungkot ngayon ang Kapuso star na si Lovi Poe dahil hindi raw nakapasa ang kanyang larawan na naka-one piece bathing suit na gagamitin sana sa billboard ng iniindorso niyang kumpanya ni Dra Vicki Belo.

Sa kanyang Twitter page nitong Martes, sinabi ni Lovi na malungkot siya at hindi nakapasa ang kanyang Belo billboard na hinihintay umano niyang lumabas.

“sad.... nadisapprove ang belo billboard ko :( was just wearing a one piece bathing suit. been waiting for that to come out panaman! :((," ayon sa aktres.

May hiwalay ding post sa kanyang Twitter page si Dra Vicki at may link para makita ang photo shoot ni Lovi na naka-swim suit.

“Hay Naku our lovie Po billboard has been disapproved . Why oh why she s in a one Piece bathing naman, Picture to follow," pahayag ng kontrobersiyal na celebrity doctor. “Here s the lovi poe billboard that was disapproved. What do you guys think? http://ow.ly/i/ey7o."

Hindi naman binanggit ng dalawa kung sino o anong sangay ang nagpasyang hindi pasado ang larawan ni Lovi.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang tumindi ang kampanya sa mga “sexy billboard" na nagsimula sa reklamo ni Valenzuela mayor Sherwin Gatchalian.

Hindi nagustuhan ni Gatchalian ang naglalakihang billboards sa EDSA sa bahagi ng Mandaluyong na nagpapakita sa ilang player ng rugby team na Philippine Volcanoes, na pawang brief lang ang suot.

Isinumbong niya ito kay Mandaluyong city mayor Benhur Abalos na kaagad namang kumilos at tinanggal ang mga billboard. Nakiisa na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa panawagan na dapat masuri muna ang billboard na idi-display sa kanilang nasasakupan. - GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus