GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

2 sa 7 sundalong nasawi sa Sulu, pinugutan daw ng ASG

July 29, 2011 9:22pm
MANILA – Dalawa sa pitong miyembro ng Philippine Marines na napatay sa pakikipaglaban sa Abu Sayyaf Group sa Patikul, Sulu nitong Huwebes, ang kinumpirmang pinugutan ng mga bandido.

Ito ang inihayag ni Lt. Col. Omar Tonsay, tagapagsalita ng Philippine Navy, kaugnay na rin sa lumabas na mga ulat na lima sa mga nasawing Marines ang pinagtataga at pinugutan ng mga hinihinalang miyembro ng ASG.

"Hindi lima, two, I can confirm two, I can confirm two hacking," pahayag ni Tonsay nitong Biyernes.

Ang mga sundalo na miyembro ng Marine Battalion Landing Team 11, 10, at 5 ay sinasabing inatake ng mga bandido habang nagmamaniobra sa loob ng kampo ng ASG sa Tubig Magtuh, Barangay Panglayahan.

Bukod sa pitong nasawi, 26 iba pa ang nasugatan sa naganapan na engkwentro na nagsimula dakong 4:30 a.m. Maliban sa isa, ligtas na umano sa panganib ang mga nasugatan.

Ayon kay Tonsay, tinatayang 13 miyembro ng ASG ang napatay ng mga sundalo pero wala silang bangkay na nakuha.

"It is indeed unfortunate that such incident transpired. However, as what had turned out, their sacrifices were not fruitless as the Marines in Sulu have proven that they are coming closer to attaining their goals against terrorism," ayon kay Navy chief Vice Admiral Alexander Pama.

Hindi pa rin isasapubliko ang pangalan ng mga namatay na Marines hanggat hindi sila nakukuha ng kani-kanilang pamilya.

Sinabi ni Tonsay na dapat magsilbing motibasyon sa pamahalaan ang barbarikong paraan ng pagpatay ng ASG para paigtingin ang kampanya laban sa mga bandido.

"In spite of these losses however, the government side prevailed on the said operation since movement of Marine troops was not initially detected and they were the first to get sight and subsequently engage the enemy which resulted to the capture of the ASG Camp at Brgy Panglayahan, Patikul, Sulu," ayon sa tagapagsalita ng Navy.

Inaasahang madadala sa punong himpilan ng Philippine Marine Corps sa Manila ang mga labi ng mga nasawing sundalo sa Linggo para mabigayn ng full military honors. — GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus