ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P5 rollback sa presyo ng gasolina asahan, ayon kay Recto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kung ang pagtaya ni Sen Ralph Recto ang paniniwalaan, dapat umabot umano P5.00 ang mabawas sa presyo sa bawat litro ng mga produktong petrolyo sa darating na mga araw. Ang malaking kaltas sa mga produktong petrolyo ay epekto umano ng pagbaba ng credit rating ng Estados Unidos, paliwanag ni Recto, chairman ng Senate committee on ways and means. Bukod sa mahinang ekonomiya sa US, sinabi ng mambabatas na epekto rin ito ng pagbaba ng presyo ng krudo sa world market at paglakas ng halaga ng piso kontra dolyar. Paliwanag ni Recto, sa pagbaba ng rating ng US sa “AA+ with negative outlook" mula sa dating “AAA" ratings, hihina rin umano ang konsumo ng langis sa US. “Mahina ang ekonomiya ng Amerika dahil summer ngayon dun, dahil mahina ‘yan walang kumpiyansa ang taong gumastos. Hindi magmamaneho masyado, hindi magpapalagay ng gasolina masyado, so hihina ang demand ng gasoline. Kaya ngayon ang merkado bumabagsak ang presyo ng gasolina yun pakinabang sa atin yun," ayon sa senador. Sa pagtaya ni Recto, dapat magkaroon ng bigtime rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ng hanggang P5.00 bawat litro. Posible rin umanong lumakas ang piso ng hanggang P40 kontra sa dolyar kung tama ang magiging diskarte ng pamahalaang Aquino sa harap ng problema ng US. Ang paglakas ng piso ay maaaring itulak ng malaking magiging savings ng gobyerno mula sa foreign loan. Gayunman, tatamaan umano sa paglakas ng piso ang kita ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Ngunit kung hindi naman magiging mahusay ang diskate ng pamahalaan sa krisis na nangyayari sa US, sinabi ni Recto na maaaring mabaliktad ito ay bumagsak ng hanggang P50 ang piso laban sa dolyar. Kabilang sa inirekomenda ni Recto kay Aquino ay gastusin ang budget para sa taong 2011 at huwag tipirin dahil nakatutulong ito sa pagsigla ng ekonomiya kung may umiikot na pera. “Gastusin muna natin ang budget ng tama lalo na sa domestic economy. Pagandahin natin yung ating imprastraktura, ang mga eskuwelahan at hospital. Let’s focus on these three items which will make us more competitive," ayon sa mambabatas. Iminungkahi din niya na ipagpaliban ang implementasyon ng Public Private Partnership (PPP) program dahil ang kailangan ngayon ng pamahalaan ay ang tamang paggastos ng pondo. – GMA News