We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA â Makaraan ang mahigit tatlong buwan ng pakikipaglaban sa sakit na cancer, pumanaw na nitong Martes ng umaga ang beteranong mamamahayag na si Raul Beltran Siya ay 62 anyos. Nitong nakaraang Mayo dinala si Beltran sa Lung Center of Philippines sa Quezon City matapos idaing na hindi siya makahinga at may bumabara sa kanyang lalamunan. Sa pagamutan, nasuri ang kanyang Stage 4 cancer. Matapos siyang isailalim sa ilang linggong radio therapy, pinayagan si Beltran na umuwi na sa kanilang bahay noong Hulyo habang ipinagpapatuloy ang chemotherapy. Ngunit pagkaraan lang ng mahigit isang linggo, muli siyang ibinalik sa LCP dahil sa pagdaing na hirap na muling huminga at tila sinasakal. Mula noon, naratay muli siya sa ospital hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Kilalang mahusay makipagkaibigan at palabiro sa industriya, huling nagsulat si Beltran para sa pahayagang Peopleâs Journal Tonight. Pinakamatagal siyang na-assign sa Kamara de Representantes. Nang hindi na siya makapagsalita, ang pagsusulat sa isang notebook ang naging paraan ng kanyang komunikasyon. Kabilang sa kanyang naisulat ay tungkol sa insidente noong Agosto 1 kung saan nawalan na siya ng malay. âPilyo (si) JESUS, gusto ko (ng mag-MEME), ayaw NIYA, sobrang pigil NIYA. Sobra (si) JESUS, ayaw NIYA talaga (akong mawala), love NIYA ako pero dapat galing na. Alam [ni] JESUS kaya ko, kaya ayaw NIYA (akong mag-MEME). Sobra daming nagdarasal kaya ayaw NIYA (akong mamahinga). Every fraction of a second after 12 midnight is a ray of hope," nakasaad sa sulat ni Beltran. Sa kanyang Facebook account, isinulat ni Beltran ang kanyang pakikipaglaban sa sakit na cancer at pananampalataya sa Panginoon na tinawag niyang Great Architect of the Universe. "I am thankful to HIM, the Great Architect of the Universe, the Lord Almighty, his trusted Allies, friends, friends of friends, relatives and some unknowns who supported him," ayon kay Beltran. Mula noong madaling-araw ng Aug 21 -- nataon sa kaarawan ng kanyang panganay na anak -- ay hindi na nagkamalay si Beltran hanggang sa bawian siya ng buhay nitong Martes ng madaling-araw. Naulila ni Beltran ang misis na si Rachel; at mga anak na sina Rani Jeanmarie, 17 at Ryanna Patricia, 14. Ilalagak ang mga labi ni Beltran sa St. Peterâs Memorial Chapel sa Commonwealth Avenue Quezon City. Sa Sabado ay dadalhin si Beltran sa kanyang sinilangang bayan sa Nasugbu, Batangas at doon ay ihahatid siya sa kanyang huling hantungan. Bagaman hindi makata, gumawa ng isang tula si Beltran, na naging huli niyang tala sa kanyang Facebook account: (Sa kawalan ng magawa, susubukan kong sumulat ng isang tula katulad ng likha ng isang makatang-makata -- Raul Beltran) Sariwang simoy ng hangin, tunay na sikat ng araw paggalaw ng dahon ng mga puno at halaman ampiyas ng ulan na matagal kong inasam tilaok ng manok sa madaling araw Huni ng ibon sa umaga at sa dapit-hapon naman ay sa yayay mga asong nagkakahulan, mga pusang naglalampungan mga batang naglalaro at naghahabulan, mga sasakyang dumadaan sariwang prutas at gulay at mga isdang inihaw Ilan ang mga ito sa hindi ko naramdaman nang ako ay makulong sa isang ospital ng animnapu't isang araw. Ito ako ngayon at nagpapahinga at patuloy na lumalaban para igupo ang isang karamdamang kumitil na ng maraming buhay nakakatulog na ng mahimbing at hindi na masyadong inuubo âpag madaling araw Bihira na ring mawalan ng panimbang ngunit mayroon pa ring ilang problemang dapat na maiwasan mga pantal na dulot ng radiation ng tatlumpo't limang araw Hapo, hingal at hirap lumunok ng pagkaing wala namang bawal Minsan kahit pag-inom ng likido ay mahirap isakatuparan lalo na sa pagkain ng almusal ngunit ang mga ito ay pilit kong nilalabanan tungo sa aking lubusang paggaling ngayon, bukas o anumang araw ON THE ROAD AGAIN anytime now sa tulong ng gamot, pahinga, wastong pagkain at sama-sama nating pagdarasal. (bow) â GMA News