GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Ang mapait kong karanasan sa bawal na pag-ibig (2)

August 23, 2011 9:55pm
(Huling labas) Napakabilis ng mga pangyayari. Hindi ko binalak na gumawa ng kalokohan sa ibang bansa dahil may pamilya ako sa Pinas. Pero nangyari na… at ang masama pa ay pareho kaming may pamilyang naghihintay sa Pilipinas.

Dahil sa pag-iisa kaya siguro nangyari ang hindi dapat mangyari. Simula nung may mangyari sa amin naging regular na ang aming pagkikita. At dumating sa puntong umuuwi na ako sa kanyang tinutuluyan tuwing off ko at doon na ako natutulog from Thursday night. Bumabalik ako sa aking apartment sa Saturday night. Medyo may kalayuan ang kanyang tinitirhan sa aming opisina kaya kailangan kung umuwi sa apartment na provided ng aming kumpanya.


Marahil nangyari sa akin iyon upang magising ako sa aking kalokohan. Ganundin marahil ang sakit na naramdaman ng aking asawa sa Pinas nang matuklasan niya ang panloloko ko sa kanya. Marahil iyon ang paraan ng Maykapal upang ‘di na ako magpatuloy sa aking kalokohan. Isang aral ang aking natutunan.

-- E.Friend


Lumipas ang mga araw, linggo at buwan… namuhay kami na parang mag-asawa sa bansang iyon. Naging masaya ang aming pagsasama at unti-unting nahulog ang loob ko sa kanya. Pero sa kabila nun ay ‘di ko naman pinababayaan ang aking pamilya. Walang nagbago sa akin pagdating sa aking pamilya. Kaya marahil hindi nakahalata ang aking asawa na may kinakasama sa ibang bansa.

December 2010, kailangan kong magbakasyon at tuparin ang aking pangako sa aking pamilya sa Pilipinas. Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ko nang time na iyon. Masaya dahil makikita ko ang aking asawa at mga anak sa loob ng ilang buwan kong pamamalagi sa ibang bansa. Malungkot din naman dahil may maiiwanan ako, lalo’t magpa-Pasko pa naman. Iiwanan ko siyang mag-isa na magsi-celebrate ng Pasko at Bagong Taon.

“Ingat ka at text mo ako ha ‘pag nasa Pinas ka na," ang bilin niya sa akin habang papaalis ako. Pagdating ko sa Pinas ay naging normal ang takbo ng buhay naming. Subalit hindi ko akalaing may mahahalata ang aking asawa, hanggang sa tuluyan siyang manghinala.

Ang hindi ko inaasahan, nabasa pala niya ang mga text sa akin na ‘di ko nabura. Muntik masira ang aking pamilya subalit naging matigas ako sa pagtanggi sa akusasyon ng misis ko. Hindi naglaon ay naging okey din kami ng misis ko. Subalit ang pagdududa ay ‘di pa rin niya maitago.

Dumating ang araw na kailangan ko nang bumalik sa UAE. Nagpatuloy ako sa bawal naming relasyon hanggang sa dumating ang time na kailangan kong magreport sa isang opisina namin sa Bahrain. Mananatili ako doon ng ilang buwan.


Dahil malayo kami sa isa’t-isa ng aking kinakasama sa UAE, nagkakaroon kami ng tampuhan. Naging madalang ang aming pag-chat dahil naging busy ako kaya madalas kaming magkatampuhan. Naging simulan din iyon ng kanyang pagdududa na baka mayroon na akong iba dito sa Bahrain.


Sa araw ng aking pag-alis sa UAE at siyempre mabigat ang aking kalooban at hanggat maari ay ayaw kong umalis ng UAE. Subalit trabaho ang dahilan kaya napilitan akong sumunod sa order ng management ng aming opisina.

Sa Bahrain ay tuloy pa rin ang communication naming ng babaeng aking kinakasama sa UAE. Chat, tawag at text, ganundin sa aking pamilya sa Pinas. Mahirap na masaya kasi dalawang babae ang nagmamahal sa’yo subalit nakaka-konsensya din dahil niloloko ko ang aking asawa. Subalit itinanim ko na lang sa aking isipan na hanggat ‘di ko napapabayaan ang responsibilidad ko sa aking pamilya ay okey lang siguro na magkaroon ako ng ibang pamilya sa ibang bansa.

Dahil malayo kami sa isa’t-isa ng aking kinakasama sa UAE, nagkakaroon kami ng tampuhan. Naging madalang ang aming pag-chat dahil naging busy ako kaya madalas kaming magkatampuhan. Naging simulan din iyon ng kanyang pagdududa na baka mayroon na akong iba dito sa Bahrain. Baka ayaw ko na sa kanya at ‘di ko na siya babalikan. Tumagal ng ilang buwan ang ganung sitwasyon, ang palagi naming tampuhan at naging madalang ang matino naming pag-uusap.

Hanggang dumating ang time na kinutuban ako. Biglang na lang akong kinabahan, ‘di ko maipaliwanag ang aking nararamdaman kung bakit. Kinaumagahan, agad kong binuksan ang kanyang Facebook account. Alam ko ang password niya kasi minsan pinapalitan niya sa akin ito dahil naghinala siyang may nakapagbubukas ng kanyang account.

Iniisa-isa kong basahin ang mga messages niya sa kanyang mga kaibigan hanggang mabuksan ko ang conversation nila ng isang dayuhan. Laking gulat ko na lang sa aking nabasa… ang mahal kong kabit, may karelasyon ng iba.

Hindi niya nabura ang conversation nila nung lalaki kaya nabasa ko ang gabi-gabi nilang chat. Nalaman ko ang kanilang pagkikita. Nasaktan ako sa aking natuklasan. Kaagad ko siyang tinawagan upang linawin sa kanya ang mga bagay-bagay. Kaagad naman siyang umamin at dahilan na wala na raw kasi akong panahon sa kanya. Napapadalas na raw ang aming ‘di pagkakaunawaan… mapakababaw na dahilan.


Masakit, nasaktan ako. Napakasakit na matapakan ang iyong pagkalalaki. Napakasakit pa lang lokohin ng isang babaing natutunan mo nang pahalagahan at mahalin sa kabila ng bawal na relasyon.


Masakit, nasaktan ako. Napakasakit na matapakan ang iyong pagkalalaki. Napakasakit pa lang lokohin ng isang babaing natutunan mo nang pahalagahan at mahalin sa kabila ng bawal na relasyon.

Tinatanong ko siya nang paulit-ulit bakit niya nagawa sa akin yun. Ipinamukha ko sa kanya ang panlolokong ginawa niya sa akin. Humingi siya ng tawad sa akin, at sinabing kahit nakipagrelasyon siya sa iba wala naman daw nangyayari sa kanila. Hanggang kain sa labas at chat lang daw sila.

Pero hindi ko na siya pinakinggan pa dahil labis akong nasaktan. Ganun pala ang pakiramdam nang maisahan…napakasakit pala. Kagad kong tinapos ang ugnayang mayroon kami dahil ‘di ko matanggap ang kanyang ginawa sa akin.

Marahil nangyari sa akin iyon upang magising ako sa aking kalokohan. Ganundin marahil ang sakit na naramdaman ng aking asawa sa Pinas nang matuklasan niya ang panloloko ko sa kanya. Marahil iyon ang paraan ng Maykapal upang ‘di na ako magpatuloy sa aking kalokohan. Isang aral ang aking natutunan. – GMA News

E.Friend

Ang mapait kong karanasan sa bawal na pag-ibig (1)

Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang ating kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso.

Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng inyong saloobin, walang mapagsabihan ng sikreto, o kaya naman nais magbigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras.

Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas na ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus