ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Proteksiyon sa mga traffic enforcer, pinag-aaralan ng MMDA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Naghahanap pa rin ng paraan ang Metropolitan Manila Development Authority kung papaano maidedepensa ng kanilang ng mga traffic enforcer ang sarili laban sa mga sisitahing motorista na mainitin ang ulo. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Sabado, sinabi ni Tina Velasco, tagapagsalita ng MMDA, na hindi kasama sa kanilang pinag-aaralan ang pagbibigay ng baril sa kanilang mga traffic enforcer. "Naintindihan natin ang concern ng mamamayan, ayaw natin maabuso ito ... We just want to study how we can protect our enforcers," pahayag ni Velasco sa panayam ng dwIZ radio. Nitong Miyerkules, binaril at malubhang nasugatan ang MMDA traffic enforcer na si Larry Fiala matapos barilin umano ng tatlong ulit ni Edward John Gonzalez na sinita ng biktima dahil sa paglabag sa color coding scheme. Bagaman nahuli, pansamantalang nakalaya si Gonzalez matapos maglagak ng piyansa. Dahil sa naturang insidente, may mga nagmungkahi na armasan ang mga traffic enforcer upang maidepensa ang sarili sa mga armado ring motorista na mainitin ang ulo. Ngunit ayon kay Velasco, kailangang balansehin ng MMDA ang pagbibigay ng nproteksiyon sa kanilang tauhan at maiwasan na umabuo naman sa kanilang kapangyarihan ang mga enforcer. Dagdag pa niya, may mga pangamba na baka maging "wild, wild west" ang Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila kung bibigyan ng baril ang mga MMDA enforce para idepensa ang kanilang sarili. "Pag-aaralan ito nang mabuti. Hindi ito ang solution na tinitingnan, hindi magiging drastic. Pag-aaralan ‘yan ng traffic supervisors and leaders," ayon kay Velasco. Kabilang umano sa pinag-iisipang gawin ng MMDA ay bigyan ng basic martial art-based self-defense course at buddy-buddy system ang kanilang mga tauhan. – GMA News