ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Negosyanteng magsasamantala sa 12 percent VAT sa toll, binalaan ng Malacanang


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Muling nagbabala ang Malacanang laban sa mga negosyanteng magsasamantala sa pagtaas ng singil sa toll bunga naman ng ipatutupad na pagsingil ng 12-percent value-added tax (VAT) sa tollways simula nitong Sabado. Sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na maliit lamang dapat ang maging epekto sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa idudulot na panibagong singil ng buwis sa toll. “This is our commitment. According to our computations, the impact on goods and services will be minimal and we will be watching those increasing their prices beyond computations we have set," paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Muli namang ipinaliwanag ni Valte na legal at pinayagan ng Korte Suprema ang pagpataw ng VAT sa toll, kaya dapat itong singilin ng gobyerno. Ginarantiyahan din ng opisyal na gagamitin ng wasto ng gobyerno ang karagdagang buwis na malilikom sa VAT sa tollways. Tiniyak din niya na papananagutin ng pamahalaan ang mga negosyanteng aabuso sa gagawing pagtaas ng singil sa toll. Noong nakaraang buwan, minatyagan na umano ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang dinadala sa Metro Manila at idinadaan sa North and South Luzon Expressways (NLEX/SLEX). “The DTI will be monitoring the prices. The department knows what will be the VAT’s impact on basic goods and services. They will know the traders who overcharge for their goods," ayon kay Valte. Inaasahan na makalilikom ang pamahalaan ng P3 bilyon bawat taon mula sa 12-percent VAT sa NLEX at SLEX na sinimulan nitong Oktubre 1. -- GMA News
Tags: nation, tollways, evat