ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga nitso sa isang libingan sa Bulacan, nawala sa pwesto dahil sa baha


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nagmistulang maagang ‘pang-trick or treat’ sa Undas ang mga burial vault o selyadong nitso na tinangay ng baha at napadpad sa daanan ng tao sa Calumpit Garden Memorial Park… RR, GMA News
CALUMPIT, Bulacan — Hindi lang ang mga buhay na tao ang pinerwisyo ng mga nagdaang bagyo. Maging ang mga nakahimlay sa Calumpit Garden Memorial Park sa bayang ito ay ginambala rin ng matinding baha. Nakita ng mga residente na dumalaw sa libingan sa Brgy Balungan sa Calumpit kung gaano katindi ang pinsala ng naganap na pagbaha nang makita nila ang ilang selyadong nitso na natanggal sa mga puwesto at ang iba ay napadpad pa sa kalsada. Mabuti na lamang umano na naisara ng caretaker ng libingan na si Amay Villasan ang gate ng memorial park kaya hindi natangay ng baha sa malayong lugar ang mga nitso na may lamang mga bangkay. Bagaman humupa na ang baha sa lugar, nanatiling nakakalat pa rin ang ilang nitso nang makunan ng larawan nitong Biyernes. Nilagyan na muna ng marka ang mga ito para hindi magkapalit-palit kapag ibinalik na sa kanilang mga puwesto. Ayon kay Villasan, hindi kaagad nila maibabalik ang mga nitso sa kanilang pwesto hanggat hindi nila nakakausap ang mga kamag-anak ng mga nakalibing para mapag-usapan ang gastusin. “Pag kasi naibaon na yung mga vault, kahit anong paniningil ay hindi na kami pinapansin ng pamilya," paliwanag ni Villasan. Inamin din ng caretaker ng sementeryo na ilan sa mga nitso ay sadyang hindi nakalibing nang dumating ang bagyo dahil hinihintay din nila ang kabuuang bayad para sa pagpapalibing ng mga ito. Gayunpaman, tiniyak ni Villasan na selyado ang mga nitso kaya hindi dapat mangamba ang publiko na may tumagas o kumatas mula sa loob ito. Dahil sa mga pag-ulan na idinulot ng magkakasunod na bagyong Pedring, Quiel at Ramon, halos lahat ng mga pribado at pampublikong sementeryo sa Calumpit at katabing bayan ng Hagonoy ay nalubog sa baha. Ang ilang residente na nakakita sa nakakalat na nitso sa memorial park sa Calumpit, itinuring na lamang maagang “pang-trick or treat" ang nangyaring insidente. -- DB/ FRJ, GMA News