GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Programa ng pamahalaan vs kahirapan, dapat na raw repasuhin

October 28, 2011 6:46pm
MANILA – Iminungkahi ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko na repasuhin ng pamahalaang Aquino ang programa nito sa paglutas sa kahirapan sa bansa. Ito ay matapos lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na dumami ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, ang pabago-bagong bilang ng mga nagugutom ay pagpapakita na hindi sapat ang Conditional Cash Transfer (CCT) program na ipinatutupad ng pamahalaan sa pagtulong sa mga mahihirap.

“Talagang mabigat, 4.3 million families ‘yan. Ibig sabihin kung bibilangin mo ‘yan sa mga tao ay nasa 20 million o 21 million katao, napakalaki niyan," patungkol ni
Pabillo sa resulta ng survey nang makapanayam sa Radio Veritas nitong Biyernes.

“Kaya dito talaga ay dapat tingnan ng pamahalaan yung kaniyang policy na talagang makakatulong diyan na hindi yung magpa-fluctuate and noon 15 percent ngayon 21.7 percent, so nagpa-fluctuate yung mga nagugutom," dagdag ng obispo na opisyal din ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Sa survey na ginawa ng SWS noong Sept 4-7, lumitaw na 21.5 percent ang bilang ng mga Pinoy na nagsabing nakararanas ng gutom. Mas mataas ito sa 15.1 percent na naitala noong Hunyo at 20.5 percent noong Marso.

Gayunpaman, inihayag ng SWS na ang naturang datos ay mas mababa pa naman sa 24 percent na naitala noong Disyembre 2009 sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Iginiit ni Pabillo na makabubuting pagtuunan ng pansin ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang pamamahagi ng lupa sa ilalim ng agrarian reform program para may mapagtanim ang mga mamamayan lalo na sa kanayunan.

“Isa sigurong kailangan talaga ng taongbayan ngayon yung security nga. In many senses, security sa food, security sa labor at security din sa lupa. Yung land reform, kasi kung hindi nga secured yung lupa, hindi ka naman magmamalasakit sa lupa, hindi mo matatanim yung gusto mo," paliwanag niya.

Sinabi ng obispo na pansamantalang ginhawa lamang ang maibibigay ng CCT program sa mga nagugutom na kung ipagpapatuloy ni Aquino ay tatagal na lamang ng limang taon (sa ilalim ng kanyang termino). -- GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus