ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Iwa Moto, iwas sa pagsagot kung buntis si Janna Dominguez


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
“Hindi naman po ako si Janna, siya na lang po tanungin natin." Ito ang tugon ni Iwa Moto nang tanungin sa Startalk TX tungkol sa mga balitang buntis ang kapwa Kapuso na si Janna Dominguez na sinasabing ipinalit sa kanya ng ex-boyfriend na si Mickey Ablan. Mula nang dumating sa bansa nitong Nov 4 makaraan ang ilang buwang pananatili sa Japan, humarap sa live interview sa Startalk nitong Sabado si Iwa para sagutin ang lahat ng isyung naglabasan tungkol sa kanya. Sa panimulang tanong tungkol sa kanyang citizenship, sinabi ni Iwa na hindi pa niya nakokompleto ang proseso para makakuha ng Japanese citizenship. Gayunman, napagkalooban daw siya ng long term visa kaya maaari siyang pumunta rito anytime. Idinagdag niya na bumalik siya sa Pilipinas para magtrabaho na muli at ayusin ang kanyang buhay. “Siyempre gusto ko nang magtrabaho, ang tagal ko na ring hindi nagtrabaho. Nakakamiss yung mundong ginagalawan ko dati. Ang layo kaya ng Japan, nandito kaya lahat ng taong mahal ko sa buhay," paliwanag niya. Tungkol sa intrigang buntis siya at nagparetoke, iginiit ni Iwa na hindi siya nanganak at hindi rin nabuntis. Wala rin umano siyang ipinaayos sa katawan o mukha. “Hindi po ako nagparetoke. Once and for all, uulitin ko po ganun pa rin po wala pa ring pinagbago sa pagmumukha ko," natatawa niyang paliwanag. “Hindi pa po ako nanganganak at hindi po ako buntis. Wish ko lang!," pahayag pa ni Iwa sabay birong busog lang siya (kaya malaki ang tiyan).
Tungkol sa mga balitang buntis si Janna na sinasabing naging nobya ng kanyang ex-boyfriend na si Mickey nang magkahiwalay sila, sinabi ni Iwa na mas makabubuting si Janna na lamang ang tanungin tungkol dito. (Basahin: Janna Dominguez confirms relationship with Iwa Moto's ex-bf) “Hindi naman po ako si Janna, siya na lang po tanungin natin. Kung buntis siya di, take care, God bless," sambit ni Iwa. Nang tanungin kung papayag ba siyang maging ninang ng anak nina Janna, sa una'y tumanggi si Iwa pero pagkaraan ng ilang saglit ay sinabi nitong wala naman daw problema kung kunin siya. Direkta naman ang sagot ng aktres na hindi na sila magkakabalikan ni Mickey dahil masaya na sila sa kani-kanilang buhay. (Basahin: Iwa Moto, nasugatan matapos magwala dahil sa galit sa ex-boyfriend.) At sa status ng kanyang lovelife, tugon ni Iwa: “Basta single ako, ganun na lang… masaya akong mag-isa." - FRJimenez, GMA News