ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Natipid na pondo ng PNoy govt, dapat daw gawing Xmas bonus sa mga kawani


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Maaaring maging galanteng Santa Claus si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ngayong Pasko sa mga kawani ng pamahalaan kung ipamamahagi niya bilang bonus ang malaking natipid ng gobyerno ngayong taon. Sa isang pahayag nitong Huwebes, sa tinatayang P175.9 bilyon na pondo na naipon dahil sa ginawang pagtitipid ngayong taon, sinabi ni Aurora Rep. Juan Edgardo Anagara, na kayang-kaya ni Aquino na magbigay ng tig-P10,000 Christmas bonus sa 1.1 milyong kawani ng pamahalaan. Dahil sa ginawang pagpigil na gumastos ngayong taon, naibaba ng pamahalaang Aquino ang budget deficit ng bansa sa P53 bilyon, malayo sa P260 bilyon na naitalaga noong nakaraang taon. Sa 2012, tinatayang maibaba naman sa P180 bilyon ang deficit, kumpara sa naunang pagtaya na P300 bilyon. Dahil dito, sinabi ni Angara na kayang magbigay ni Aquino ng mas maagang Christmas bonus sa mga government worker ngayong 2011. “By law and tradition, it is the President who orders the additional Christmas bonus for government workers, taking into consideration the status of government finances at the end of the year," paliwanag ng kongresista. Noong nakaraang taon, kahit hindi pa umano maayos ang paglalatag ng pananalapi ng gobyerno, nagawa ni Aquino na magpalabas ng Administrative Order No. 3 para magbigay ng P10,000 Performance Enhancement Incentive (PEI) sa lahat ng kawani ng pamahalaan. Sa P10,000, sinagot ng pamahalaan ang P7,000 at ang natitirang P3,000 ay mula naman sa natipid ng bawat ahensiya ng gobyerno. Ang PEI sa mga kawani ng lokal na pamahalaan at government corporate sectors ay sagot naman kani-kanilang ahensiya. Para kay Angara, kaya ngayon ng gobyerno na itaas sa P11,000 ang PEI ngayong 2011. “An P11,000 PEI is affordable and reasonable. It means a Christmas bonus equivalent to P916 per month per employee. As to budget impact, it will cost about P12.8-billion, which is less than 10 percent of the projected savings," pahayag ng kongresista, anak ni Sen Edgardo Angara. Dagdag pa ng kongresista, babalik din naman sa pamahalaan ang malaking bahagi ng ipamimigay na bonus dahil gagastusin ito ngayon Pasko kunsaan ang mga produkto at serbisyong kukunin ay may singil na 12 percent value added tax. -- FRJ, GMA News