ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Mga obispo, nagbunyi sa desisyon ng SC sa Hacienda Luisita
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Ikinalugod ng mga obispo ng Simbahang Katoliko ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Hacienda Luisita na pumapabor sa mga benepisaryong magsasaka. Paniwala ng mga obispo, makatutulong ang naging desisyon upang maibalik ang tiwala ng publiko sa integridad ng mga mahistrado ng pinakamataas na hukuman sa bansa. Sa panayam ng Radyo Veritas nitong Biyernes, sinabi ni Tagbiliran Bishop Leonardo Medroso na ang pagpabor ng halos lahat ng mahistrado na ipamahagi ang bahagi ng lupain ng haciendang sakop ng repormang agraryo ay nagpapatunay na pinahahalagahan nila ang karapatan ng mga magsasaka. “That is a very good decision, because that has been waited for so many years ng mga tao lalo na ng mga magsasaka. At sa desisyon na ‘yan na Korte Suprema ay mabibigyan sila ng pag-asa at pangarap sa buhay,” anang obispo. “Ang desisyon na rin ‘yan ng SC ay muling magpapaangat sa bumababang kalidad ng justice system sa bansa. Nawa’y magpatuloy ang mga ganyang desisyon ng mga mahistrado na pumapabor sa kapakanan ng nakararami at hindi ng iilan,” dagdag ni Medroso. Ang desisyon ng mga mahistrado ay magsisilbi rin umanong hamon kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, upang ganap na maipamahagi ng lupain sa mahigit 6,000 magsasaka. Pagtiyak ni PNoy Sa panayam ng media habang nasa Legaspi City nitong Biyernes, tiniyak ni Aquino na ipatutupad ng pamahalaan at kanyang mga kamag-anak ang magiging pinal na desisyon ng SC sa usapin ng hacienda na pag-aari ng kanyang pamilya. “Yung compliance kapag nag-utos ang Korte Suprema di ba dapat naman talaga may – in a time on a question of law – compliance. I don't think that is optional,” anang pangulo. Binigyan-diin din ni Aquino na dapat makamit ang dalawang mithiin ng repormang agraryo. “Sa agrarian reform, ang hinahabol ay dalawang bagay: number one, i-empower mo ung magsasaka upang magkaroon siya ng sariling lupang sasakahin. Okay yung parteng iyon,” paliwanag niya. “Ang pangalawang bagay ay: 'wag natin ubusin ang capital. Ibig sabihin, meron ding just compensation para naman yung dating nagmamay-ari ng lupa ay hindi mo inaagawan ng lupa, bayaran mo ng tama,” dagdag ni Aquino. Dapat umanong mabigyan ng sapat na kumpensasyon ang mga may-ari ng lupa. “Yung kanyang kapital na naibalik sa kanya, pwedeng maging mapuhunan na makatutulong sa pagtatag ng negosyong makapagbigay ng hanapbuhay sa ating bansa,” aniya. “Sana ma-meet yung two objectives. Hindi dapat yung may pinapaboran na isang sektor at isasakripisyo ang isa. Kailangan sabay-sabay ang lahat ng sector.” Dakilang desisyon Sa hiwalay na panayam ng nabanggit na himpilan ng radyo, itinuturing ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na dakila ang naging desisyon ng mga mahistrado sa kabila ng matagal na pagdinig dito. “SC na ang nag-decide after a long process of deliberation. It is a good decision, the farmers have to be guided, advised and supported by the government otherwise the decision to help them will not thrive,” ayon kay Ongtioco para hindi umano ibenta ng mga magsasaka ang makukuhang lupa. Si dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo, hinimok ang mga magsasaka na pagyamin ang makukuhang lupa at huwag ipagbili. Sa kabila naman ng naging desisyon ng SC, naniniwala si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na hindi pa rin basta-basta mapupunta sa mga magsasaka ang bahagi ng lupain. Hinihinala niya na gagawa pa rin ng paraan ang mga may-ari ng hacienda upang hindi mawala sa kanila ang lupain. ”Hindi porket sinabi nila na okey ay maniniwala na tayo. Tingin ko marami pang pagdadaanan ‘yan. Dadaan pa sa butas ng karayom ang mga farmers natin. Halimbawa man na dumating ang panahon na ipamahagi ‘yang lupain, alam mo kung anu ang balakid dyan, yung Azucarera mismo. Yung sugar mill na ‘yan pagkat hindi ‘yan kasama sa distribution,” paliwanag ni Cruz sa hiwalay na panayam ng Radyo Veritas. - GMA News
More Videos
Most Popular