Zubiri, batid daw na may tampo sa kanya si Arroyo
ABUCAY, Bataan -- Sinabi ni dating Sen Juan Miguel Zubiri na ang ginawa niyang pagbibitiw noon sa Senado ay mensahe na pinutol na niya ng pulitikal na ugnayan kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa partido nitong Lakas-Kampi-CMD. Dahil sa kanyang pagkalas, sinabi ni Zubiri na batid niyang nagkaroon ng tampo sa kanya ang dating pangulo na nahaharap ngayon sa kasong electoral sabotage. “Alam ko na may tampo sa akin ang dating Pangulo nang bumitiw ako sa puwesto dahil kapartido ako, kagrupo at nanalo sa partido nila. Pero wala akong magagawa,” pahayag ni Zubiri. Nagbitiw sa Senado si Zubiri noong Agosto upang bigyan-daan ang pag-upo ni Sen Aquilino “Koko” Pimentel III, na naunang naghain ng electoral protest laban sa pagkapanalo ng una sa ginanap na 2007 elections. Ang pagbibitiw ni Zubiri ay naganap sa gitna ng mga pagbubunyag na nagkaroon ng dayaan sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan nakinabang umano ang dating senador. Sa ngayon ay indipedyente si Zubiri pero marami umanong partido ay nais kumuha sa kanya. Aminado ang dating mambabatas na nais niyang makabalik sa Senado sa 2013 elections. Nitong Huwebes, sinamahan si Zubiri nina Bataan Board member Dexter Dominguez o Teri Onor, para bisitahin ang mga bayan ng Abucay, Samal, Orani, Hermosa at Dinalupihan. Namahagi ang dalawa ng mga bigas at de-lata sa mga grade 1 pupil sa mga depressed barangay na bahagi ng programa ni Zubiri na “Handog Pagmamahal Para sa Munting Mag-aaral. Nang tanungin si Zubiri tungkol sa kondisyon ng kalusugan at kinakaharap na kaso ni Arroyo na ninang niya sa kasal, sinabi nito na dapat harapin ng dating pangulo ang mga kaso. “Bilang isang tao, naaawa tayo sa taong maysakit. Ngunit may mga kaso nang na-file kaya kailangang sagutin at walang exception sa kaso,” pahayag niya. - EEsconde/FRJ, GMA News