Palasyo, tumangging magkomento sa tweets ni Kris ukol sa Hacienda Luisita
Tumangging magbigay ng komento ang Malacañang nitong Linggo sa naging pahayag sa nakababatang kapatid ni Pangulong Benigno Aquino III na si Kris sa kanyang Twitter account ukol sa desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka. Tikom ang bibig si deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa naturang issue dahil hindi umano niya trabahong magbigay komento sa aksyon ng mga kapatid ng Pangulo. “Hindi na kami magko-comment. Personal opinion ni Ma’am Kris yan. Wala na doon sa aming tungkulin at hindi na proper for the spokesperson dahil personal opinion ni Ms. Kris ‘yan,” ayon kay Valte sa panayam sa dzRB nitong Linggo. Nang tanungin kung sang-ayon siya sa inihayag ni Kris na malalagpasan din umano ng pamilya ang naging desisyon ng Korte, sabi ni Valte na kung ano man ang manyari “will be entirely according to the decision and parties involved.” “At this point we’ll just let the events unfold,” dagdag pa niya. Ayon sa tweet ni Kris noong Sabado, namana umano ni Pangulong Noynoy Aquino ang tapang ng kanyang ama na si yumaong dating Sen. Benigno "Ninoy" Aquino Jr. “in fighting for what is lawful and just." Sa kanyang tweet, inihalintulad ni Kris ang desisyon ng Korte sa pag-alok mga mga Marcos kay Ninoy Aquino noon na ibalik ang lahat ng kanilang kinuha mula sa magulang ng kanyang asawang si Corazon Cojuangco-Aquino, kung pirmahan niya ang papeles ng pag-amin sa kanyang pagkasala kaugnay sa mga kasong isinampa laban sa kanya. Ayon kay Kris, pumayag umano ang kanyang ama na pumirma sa mga papeles sapagkat ayaw niyang makitang naghihirap ang magulang ng kanyang asawa, ngunit sinabihan siya ng kanyang father-in-law na si Don Pepe Cojuangco na “fight for what is right because we believe in you.” “We respect the Supreme Court, we survived even when they took everything from us, including our Dad’s life — and we will survive even this [SC decision],” ani Kris sa kanyang tweet. Sa kabila nito, nakatanggap ng mga batikos ang tweets ni Kris dahil umano'y "insensitive" ang mga ito sa kahilingan ng mga magsasaka ng Luisita. Samantala, tumanggi ring magkomento si Valte sa akusasyon ng ilang grupo na pinipigilan umano ni Pangulong Arroyo ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa kanyang panawagan ng "just compensation" sa mga nagmamay-ari ng hacienda. “Yung just compensation, sa batas yan, hindi kami nag-introduce nito. Isa yang requisite sa ilalim ng batas, korte ang nagde-determine niyan. Huwag sa amin isisi, 'di kami gumagawa ng decision,” ani Valte. Pinasinungalingan din ni Valte ang mga akusayong ipinagtatanggol ng Palasyo ang pamilyang Aquino at Cojuangco laban sa desisyon ng Korte sapagkat hindi umano “lawyer or spokesperson” ng Hacienda Luisita ang Malacañang. Samantala, kanyang inihayag na inilayo na umano ni Pangulong Aquino ang kanyang sarili sa shareholdings ng korporasyon ng kanyang pamilya. “He has been forthright in saying the decision is now the Supreme Court’s to make,” aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News