Demolisyon sa Brgy. Central, QC, nauwi sa gulo
Nauwi sa karahasan ang planong paalisin ang ilang mga residente sa Barangay Central, Quezon City nitong Lunes, ayon sa ulat ni Steve Dalisan para sa “On Call.” Sa simula, naging maayos ang paghaharap ng mga pulis at ng ilang mga apektadong residente upang makipagnegosasyon, ngunit bigla na lang umanong may nambato ng pill box sa mga pulis. Isa sa mga residente na kinilalang si Antonio Mariñas ang tinamaan sa ulo matapos mauwi sa batuhan ang insidente. Nagharap ang mga pulis at apektadong residente sa BIR Road sa Quezon City na nagdulot umano ng pagsikip sa trapiko sa lugar. Inaresto naman at agad na dinala sa Quezon City Police District (QCPD) ang isang alyas Pat matapos makita at mahuling may bitbit na sumpak. Ayon sa tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na si Diamond Kalaw, wala umanong dalang Demolition Order ang mga pulis na magsasagawa ng demolisyon. Iginiit naman ni Police Superintendent Chris Mendoza, station commander ng QCPD station 10, na hindi umano nila pakay ang demolisyon sapagkat paalisin lamang nila ang mga dating informal settlers sa lugar na iyon na nabigyan na ng relocation site sa Moltalban, Rizal at sa San Jose del Monte, Bulacan. Sa hiwalay na panayam ng Quick Response Team (QRT), inihayag ni Kalaw na mahigit 100 pamilya mula sa 500 pamilyang pinapaalis sa lugar ang nanatili pa rin sa Barangay Central sa kabila ng relocation site na ibinigay sa kanila. Aniya, hindi natutugunan ng relocation site ang pangunahing pangangailangan ng mga resident kaya pinili ng ilan na bumalik na lamang sa Barangay Central. Sa ngayon, payapa na ang lugar bagama't nakaantabay pa rin ang ilang mga residente sakaling bumalik ang mga opisyal. Sa panayam ng QRT sa tagapagsalita ng Brgy. Central na si Jojo Francisco, sinabi niyang hindi susuko ang mga residente sa mga opisyal na magsasagawa ng demolisyon hanggang mabigyan sila ng maayos na relocation site. Dagdag nito, itatayo muli nila ang mga bahay na binaklas ng mga opisyal. Magkakaroon muli ng negosasyon sa pagitan ng mga natitirang residente at ng Quezon City government, ayon sa ulat. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News