May ngiti ngunit walang ‘Merry Christmas’ sa airports
Inilalatag na ng mga awtoridad ang mga hakbangin upang maging maayos at walang aberya ang inaasahang pagdagsa ng tinatayang 100,000 balikbayan ngayong parating na ang Kapaskuhan. Mahigpit na pinaalalahanan ni Commissioner Ricardo David Jr. ng Bureau of Immigration (BI) ang mga tauhan ng mga paliparan na huwag wawagliting maging magalang, kasabay ng paaalala ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa kanila na bawal ang bumati ng “Merry Christmas” sa mga umaalis o dumarting na pasahero. Ipinaliwanag ni MIAA general manager Jose Anghel Honrado na hindi mapag-isipan ng mga pasahero na nanghihingi ang mga empleyado ng paliparan sa kanila ng pamasko. Partikular na tinukoy ng hepe ng MIAA ang mga empleyadong tumatao sa mga airport counters o yaong mga inatasang umalalay sa mga pasahero. Ani Honrado, sapat na ang magandang ngiti at mabilis na serbisyo bilang pagbati sa mga ito. Inamin ni Honrado na hindi pormal o written policy ang pagbabawal ng pagbati ng “Merry Christmas” kundi paalala lamang nang sa gayon ay hindi mapagbintangan na panghihingi ng regalo at maingatan ang reputasyon ng tauhan ng mga paliparan. Batay sa tala ng BI, hindi bababa sa 3,000 balikbayan, karamihan ay mga overseas Filipino worker (OFW), ang dumarating kada araw sa paliparan sa panahon ng Kapaskuhan. — LBG, GMA News