65% pagdami ng HIV cases naitala sa Region 1
Nagtala ng 65 porsiyentong pagtaas ang bilang ng mga kaso ng human immune-deficiency virus (HIV) sa Region 1. Nagpahayag ng pagkaalarma si Dr. Valeriano Lopez, direktor ng Department of Health (DOH) sa naturang rehiyon, dahil sa pagtaas ng bilang ng mga insidente ng HIV sa kabila ng pag-target ng ahensya ng “zero HIV case” pagsapit ng 2015. Ang pagdami ng kaso ay naitala mula Setyembre 2010 hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon, ayon kay Lopez, na hindi nagbanggit ng mga datos ukol sa mga insidente ng HIV sa kanyang rehiyon. Nauna nang naiulat na tinataya ng DOH na 45,000 mamamayang Filipino ang magkakaroon ng HIV bago matapos ang termino ni Pangulong Benigno Aquino III mula sa kasalukuyang 10,000 kaso. Matatandaang kamakailan ay ipinanukala ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang Senate Resolution No. 582 na naglalayong imbestigahan ang ulat ng nakaaalarmang pagdami ng bilang ng mga kaso ng nasabing sakit at paglikha ng kaukulang programa at patakaran sa pagsugpo ng pagkalat nito. Bagama’t nakalatag na ang mga programa ng gobyerno sa pagsawata ng pagkalat ng HIV at dulot nitong Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa nakaraang dalawang dekada, sinisi ni Santiago ang gobyerno, particular ang DOH, kaya’t hindi nakuha ang target ng ahensya. Ayon sa ulat ng DOH Region 1, umaabot sa anim na kaso ang natutuklasan ng ahensya kada araw sa kasalukuyan kumpara sa isa bawat araw noong 2009. Natuklasan ng DOH na mas maraming kalalakihan ang nagkakaroon ng HIV sa pakikipagtalik nila sa kapwa lalaki. Noong nakaraang Mayo, umabot sa 83 porsiyento ng mga bagong kaso ng HIV ang natuklasan dahil sa nasabing gawaing sekswal. Samantala, inihayag naman ni Dagupan City Councilor Jess Canto na nagsagawa ng libreng pagsusuri para sa AIDs ang siyudad noong Huwebes. — LBG, GMA News