Pamimigay ng P10,000 bonus sa mga kawani ng gobyerno, ipinag-utos ni PNoy
Ipinag-utos na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pamimigay ng P10,000 bonus sa mga kawani ng pamahalaan simula Huwebes, Disyembre 8. Nakasaad ang kautusang ito sa Administrative Order 24, na pinirmahan ng Pangulo nitong Disyembre 1. Kabilang sa mga makatatanggap ng bonus ay mga empleyadong regular, casual, o contractual, at ‘yung mga nakapaglingkod na nang mahigit apat na buwan sa anumang ahensiya ng pamahalaan na nasa ilalim ng executive branch. Makatatanggap din ng bonus ang mga nagtatrabaho sa government-owned and -controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions. Mabibigyan din ng bonus ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Department of National Defense, uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, and National Mapping and Resource Information Authority. Maaari ring mabigyan ng hindi hihigit sa P10,000 na one-time productivity enhancement incentive ang mga kawani Senado, Kamara, Judiciary, Office of the Ombudsman at ilang constitutional na opisina na may fiscal autonomy. Samantala, ang pagbibigay ng bonus sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan, kabilang na ang ilang mga nasa barangay, ay magiging desisyon ng kani-kanilang sanggunian alinsunod sa financial capability ng lokal na pamahalaan. Maglalabas ng guidelines and Department of Budget and Management para sa wastong implementasyon ng AO 24. – Amanda Fernandez/KBK, GMA News