ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinoy na binitay sa China, dating SK chairman


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MANILA – Hindi makapaniwala ang mga kapitbahay ng 35-anyos na Pinoy na binitay sa China nitong Huwebes na sasapitin nito ang naturang kamatayan dahil mabait ito at matulungin. Ayon sa mga kapitbahay ng pumanaw na Pinoy, dati itong pinuno ng Sangguniang Kabataan (SK) sa kanilang lugar na takbuhan ng mga nangangailangan ng tulong. “Masakit, hindi namin akalain na mangyayari sa kanya ang ganoon," pahayag ni Paning Vitangcol. “Mabuting bata, matulungin at naging Sangguniang Kabataan chairman dito kaya hindi namin sukat akalain na napasok sa sindikato," dagdag ni Raul Reyes. “Mainam lagay ng batang iyan. Siyempre, malungkot dahil sa nangyari sa kanya," ayon naman kay Carmelita Reyes. Ang iba namang ka-lugar ng binitay na Pinoy, tanging pag-iling na lamang ng ulo ang nagawa dahil sa panghihinayang sa sinapit nito. Sinabi ng isang lokal na opisyal na malapit sa pamilya ng pumanaw na Pinoy na mayroong plano na ipa-cremate ang mga labi nito kapag iniuwi na sa Pilipinas. Mas mabuti umano ito kaysa makita ng kanyang ina ang mga labi nito na bunso sa limang magkakapatid. Nagkaroon umano ng malubhang karamdaman ang ina ng Pinoy na binitay mula nang malaman na nahuli at nakulong ang anak sa China noong 2008. Sa hiwalay na ulat sa radio dzBB, sinabi ng iba pang kaibigan ng pumanaw na Pinoy na mahilig maglaro ng basketball at naging miyembro ng local choir. Sinabi ng kanyang mga kaibigan na hindi nila alam ang pagbiyahe nito sa ibang bansa. – GMA News