Ex-Pres Arroyo, sinabing hinusgahan na siya ng Aquino gov't
Sa unang pagkakataon, nagsalita at nagbigay ng kanyang saloobin si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo tungkol sa pinagdadaanan niyang sitwasyon sa ilalim ng administrasyong Aquino. Ilang oras bago siya ilipat sa Veterans Hospital sa Quezon City, nagpaunlak ng panayam nitong Huwebes ng gabi sa St Lukes Medical Center sa Taguig si Arroyo– kongresista na ngayon ng Pampanga — kay GMA News anchor Arnold Clavio. Ang bahagi ng naturang panayam ni Arnold kay Gng Arroyo ay ipinalabas sa 24 Oras nitong Huwebes. Sinabi ni Arnold sa kanyang ulat sa 24 Oras na masiglang humarap sa kanila ang dating pangulo. Hindi nito suot ang kanyang neck brace nang makapanayam. Pero ipinakuha umano ni Gng Arroyo sa nurse ang neck brace sa huling bahagi ng panayam dahil nangangawit na raw ang leeg nito na dumaan sa tatlong operasyon. Kasabay ng pagbuti ng kanyang kondisyon, binawasan na raw ang mga gamot na iniinom ng dating pangulo. Dumadaan din sa morning at afternoon exercise ang dating pangulo para sa kanyang sa leeg at balakang. Sinabing kinunan ng buto sa balakang si Gng Arroyo na ginamit sa kanyang leeg. Iniinda pa rin umano ni Gng Arroyo ang hirap sa paglunok at pamamanhid ng braso na sinasabing sanhi ng naapektuhang maliit na ugat na tinamaan sa isa niyang operasyon. Narito ang bahagi ng naturang panayam: Arnold: Masayang nakikita namin na nakakatawa na po kayo kumpara sa mga imahe na nakita namin nung una. Kamusta na po ang inyong pakiramdam at kalusugan niyo po ngayon? Arroyo: Heto gumagaling na ang operasyon ko (sabay pakita sa tahi sa kanyang leeg) bagamat hindi natin alam kung tuluyang hindi na babalik o whether dito sa aking leeg o sa ibang bahagi ng aking mga buto dahil wala pa tayong official diagnose sa sinusupetyahang metabolic bone disease. Arnold: Ano po ba ang timbang niyo ngayon? Arroyo: Ngayon 43 kilos times two point two pounds… Arnold: Wala nang 100 ‘yon? Arroyo: Oo. Ako naman ideal sa’ken 100 hindi naman 90 plus. Arnold: Dun sa mga kinakaharap niyong pagsubok, sabihin na nating accusations, ano ho yung masasabi niyo doon? Arroyo: Ang masasabi ko Arnold I have peace of mind dahil malinis ang aking konsensiya. Gaya ng sabi ko, na sa’king pagkapangulo, bukod tanging layunin ko ay maglingkod. Eh ngayon na pre-judged na ko ng bagong administrasyong. Gumagamit pa ng demagoguery para sa ganun siraan ako nang tuluyan. Siyempre kasi kung masisiraan ako mukhang magmamagaling siya… mukhang magaling siya. So pero ganun pa man ako ay naniniwala sa rule of law. Arnold: Bale konting oras na lang ho tayo ngayon dito at lilipat na ho kayo ng lugar. Ano ho ang naglalaro sa isip nyo? Arroyo: Yung parating sinasabi sa aking tatay sa akin, “do what is right, do your best and let God take care of the rest." Ako I did what was right according to best light. Ang bukod tanging layunin ko ay maglingkod sa taong bayan. And I did my best I think nobody will quarrel me (for) my kasipagan. So malaki ang aking pananampalataya sa Panginoon. Mapapanood ang buong panayam kay Gng Arroyo sa Tonight With Arnold Clavio sa Biyernes ng gabi sa GMA News TV 11. -- FRJimenez, GMA News