Gabby Concepcion, masama ang loob sa taong nanakit sa damdamin ng anak na si KC
Nakita umano ni Gabby Concepcion sa telebisyon kung gaano nasaktan ang kanyang anak na si KC Concepcion nang isapubliko ng young actress ang paghihiwalay nila ng nobyong si Piolo Pascual. Sa panayam ng showbiz press kay Gabby sa press conference ng film fest movie na Yesterday Today Tomorrow, sinabi ng beteranong aktor na unti-unti ng nakakarecover si KC matapos ang hiwalayan. At bilang ama, sinabi ni Gabby na nasasaktan din siya sa pinagdadaanan ng anak. “I’m mad at the person who hurt the feelings of my daughter," pahayag ni Gabby sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes. Sinabi niya na normal na reaksiyon iyon lalo pa’t nagkataon na nasa showbiz rin si Piolo at nakita niya sa telebisyon kung gaano nasaktan si KC sa nangyaring hiwalayan. Ang karakter daw ni Gabby sa movie na Yesterday Today Tomorrow, na may anak na babae ay naihalintulad niya sa totoong buhay. Masaya ang aktor na napabilang siya sa film fest movie na tinatampukan ng mga malalaking artista na kinabibilangan ni Maricel Soriano. Bukod kina Gabby at Maricel, kasama rin sa cast sina Dennis Trillo, Lovi Poe, Solenn Heussaff, Carla Abellana, at Jericho Rosales. “Excited ako nang malaman ko na gagawa kami ng pelikula ni Maricel, matagal ko nang hindi nakakasama si Maria (Maricel)," kwento niGabby. “Masayang kasama si Maria, ‘pagka nasa set nga kami nagkukwentuhan kami. Tagal naming hindi nagkita," dagdag niya. – FRJ, GMA News