Pagsasampa ng kaso vs Arroyo, makabubuti sa lahat, ayon kay Susan Roces
Makabubuti umano sa lahat ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ayon sa batikang aktres na si Susan Roces. Sa ulat ni Riza Reyes sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Roces – biyuda ni Fernando Poe Jr – na makabubuti rin mismo kay Arroyo ang pagsasampa ng mga kaso. “Ito ay makabubuti para sa lahat hindi lang sa mga nagsasampa ng demanda o reklamo kundi para kay GMA (Arroy) din. Para sa pamamagitan ng pamamaraan na naayon sa batas ay mailagay niya sa wasto ang mga pag-aakala ng karamihan," paliwanag ni Roces. Si Arroyo at Poe ang naging mahigpit na magkalaban noong 2004 presidential elections kunsaan nanalo ang una. Idinagdag ni Roces na hindi rin maiiwasan na magkaroon ng mga alinlangan kay Supreme Court chief Justice Renato Corona. Si Corona ay hinirang ni Arroyo na pinuno ng SC sa panahon na matatapos na ang termino ng dating pangulo. Sinabi ng aktres na suportado niya ang apong si Brian sa ginawang pagsasampa ng mosyon para mag-inhibit si Corona sa mga pagdinig sa mga kaso ni Arroyo. Samantala, sinabi ni dating Pangulong Joseph Estrada na hindi na dapat pahirapan ng husto si Arroyo sa kinakaharap nitong sitwasyon. Gayunman, dapat daw sagutin ni Arroyo ang gastusin sa mga ipapaayos nito sa Veterans Hospital. “Kung siya naman ang gagastos eh, marami naman siyang gagastusin ‘di ba, peanuts lang ‘yon," natatawang pahayag ni Estrada na umaasang bubuti na ang kalusugan ni Arroyo para maharap nito ng maayos ang mga kaso. - FRJ, GMA News