ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagong suspek sa Maguindanao massacre, arestado sa Cotabato


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naaresto ng mga awtoridad noong Miyerkules ng hapon ang isa na naman sa 196 suspects sa Maguindanao massacre, habang naka-duty ito bilang security guard sa Cotabato Provincial Hospital, ayon sa ulat ng mga pulis. Ayon kay Chief Inspector Elmer Guevarra ng North Cotabato-Criminal Investigation and Detection Group, hindi na pumalag ang suspek na si Sahid Guiamadel nang arestuhin ng mga operatiba ng joint Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at CIDG. Inaresto si Guiamadel sa bisa ng arrest warrant na inihain ni Judge Jocelyn Reyes-Solis ng regional Trial Court-National Capital Region (RTC-RTC) Branch 221 batay sa "57 counts of murder." Inihayag ni Guevaarra na tatlong buwan pa lamang nagtatrabaho bilang security guard ng provincial government si Guiamadel bago ma-aresto. Gumamit umano ng ibang pangalan at dalawang address ng tirahan si Guiamadel habang naghahanap ito ng trabaho. Idinawit ng isang testigo si Guiamadel sa massacre na naganap noong Nob. 23, 2009, kung saan mahigit 57 katao (32 sa kanila ay media workers) ang napaslang. Nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang CIDG-ARMM at North Cotabato Police bago arestuhin ang suspek. Si Guiamadel ang ika-96 na suspek na naaresto sa loob ng mahigit dalawang taon matapos ang masaker – 100 pang suspects ang pinaghahanap pa. Ayon kay Guevarra, kasalakuyang nasa pangangalaga na ng CIDG-ARMM ang si Guiamadel.  — Amanda Fernandez /LBG, GMA News