ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NDRRMC: Mga namatay sa Sendong, maaaring lumagpas ng 1,000


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes ng umaga na maaaring lumagpas ng 1,000 ang bilang ng mga nasawi mula sa pinsalang sanhi ng Bagyong Sendong (Washi).
 
Ayon sa 6 a.m. na ulat ng NDRRMC, umabot na sa 957 katao ang kumpirmadong patay habang 49 pa ang nawawala sa iba't ibang lalawigan at siyudad na apektado ng bagyo.
 
Kung ikukumpara, dumoble ang bilang ng mga pumanaw mula sa Bagyong Sendong doon sa bilang ng mga patay sanhi ng Bagyong Ondoy sa Luzon noong 2009.
 
Umabot ng mahigit 1,582 ang sugatan habang 432 naman ang nailigtas, ayon sa ulat.
 
Mahigit 63,079 pamilya sa 13 na probinsya ang naapektuhan ni Sendong, ayon pa rin sa NDRRMC.
 
Sa mga ito, mahigit 9,743 pamilya ang nananatili sa 62 evacuation centers.
 
Umaabot naman sa mahigit P1,936,415 ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian, kabilang dito ang P1,551,400 mula sa agrikultura sa Caraga, at P385,015 naman sa Bicol.  
Samantala, ayon sa NDRRMC, mahigit anim na kalsada naman sa Cordillera at Caraga, at pitong tulay sa Central Visayas at Regions 10 at 11 ang nagiba.
 
Ngunit nilinaw ni Alex Uy, operations officer ng Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, matagal nang sira ang mga daan sa Apayao at Mountain Province dulot ng malakas na pag-ulan bago pa man nakapasok si Sendong sa bansa.
 
"Bago pa dumating si Sendong, malakas na ang ulan dito. May mga lugar kung saan nagka-landslide, pero since last Saturday, maayos na iyon," kanyang inihayag.
 
Samantala, inalay naman ng mga mamamayan ang "Simbang Gabing" nitong Martes sa Quiapo Church, Manila para sa mga biktima ng Sendong.
 
Sa ulat ng dzBB, inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na magkakaroon ng second collection sa mga Misa mula Lunes hanggang Pasko para sa mga biktima ng Sendong.
 
"In the spirit of Christian solidarity, I request that a second collection be made at all Masses in all parishes, shrines, and communities in the Archdiocese of Manila from today until Christmas Day," kanyang inihayag nitong Dis. 19 sa circular para sa mga pari, rector at chaplain sa archdiocese.
 
Aniya, ang kalamidad na ito "saddens us and breaks our hearts, as it struck at the dawn of the Christmas season." Maaari din umanong magpadala ng donasyon sa Caritas Manila.
 
Kabilang sa Manila Archdiocese ang anim na lungsod ng Manila, Caloocan, Pasay, Quezon, Mandaluyong, Makati, Muntinlupa at Pasig (hindi kabilang ang distrito  ng Santolan at Rosario), at Parañaque, Malabon, San Juan, Navotas, Las Piñas, Taguig at Pateros, ayon sa website ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines. — Amanda Fernandez/Andreo C. Calonzo/RSJ/YA/KG, GMA News