GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Batang tapat: Napulot na pouch bag na may lamang pera at cellphone, isinauli

December 20, 2011 6:17pm
Nagpamalas ng katapatan ang apat na taong gulang na si Prince Jovan Aviguetero nang sambitin nito sa kanyang ina na isauli sa may-ari ang napulot niyang pitaka sa isang pamilihan sa Tarlac.

Nag-iikot ang mag-inang Aviguetero, tubong Mangatarem, Pangasinan, sa isang RTW store sa Camiling, Tarlac nang matagpuan ni PJ ang isang pouch bag na may lamang cellphone, identification cards at P10,000.

Pero sa kabila ng pangangailangan ng mag-ina nang mga sandaling iyon, nanaig ang busilak na kalooban ng paslit.

“Ma, may napulot ako na wallet. Ibalik sa may-ari sabi niya. Nasorpresa ako na sinabi niya yun," kuwento ni Evangeline Aviguetero, ina ni PJ.

Tumatak daw kay PJ ang napanood sa telebisyon na pagsasauli ng mga napupulot na gamit.

Mismong ang mag-ina ang nagtungo sa pulisya para ipaalam ang napulot na pouch bag at mahanap ang may-ari nito.

“Ang sabi ng bata, nakita niya sa damit na yung pouch. Habang nagkakalkal daw sila, nakita niya yung bag. In the spirit of christmas, dinala sa aming opisina," ayon kay P/Chief Insp. Diosdado Lagasca ng Camiling PNP.

Inakala raw ng may-ari ng pouch bag na nadukutan siya, ayon sa pulisya.

Natukoy naman at naibalik sa may-ari ang pouch bag na nakilalang si Julie Tomas, na sinuklian naman ang kabaitan ng bata.

“Ang sabi ng bata, nakita niya sa damit na yung pouch. Habang nagkakalkal daw sila, nakita niya yung bag. In the spirit of christmas, dinala sa aming opisina," dagdag ni P/Chief Insp. Diosdado Lagasca ng Camiling PNP.

Payo naman ni PJ sa iba pang bata na katulad niya, isauli sa tunay na may-ari ang mga bagay na mapupulot. – AST, GLCalicdan/FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus