Kapuso stars, kaisa sa pagtulong sa mga biktima ni ‘Sendong’
Sakabila ng pagiging abala sa kanilang mga trabaho, naglaan pa rin ng panahon ang ilang Kapuso celebrities upang magkaloob ng tulong at maghandog ng suporta sa mga kababayang sinalantala ng bagyong ‘Sendong’ sa Mindanao. Nakausap ni showbiz reporter Lhar Santiago ang mag-asawang Sen Bong Revilla Jr at maybahay nitong si Cavite Rep Lani Mercado sa advance screening ng film fest movie na Panday 2. Mga batang ulila at mahihirap ang inimbitahan ng GMA Films para sila ang unang makapanood ng Panday 2. Pagkatapos mamangha sa ganda ng pelikula, nagbigay ng pamasko sina Sen Bong sa mga bata. Ayon kay Sen Bong, magtutungo sila sa Mindanao sa Miyerkules (Dec 21) para magbigay naman ng tulong sa mga naging biktima ng bagyo. “Pupunta tayo dun Dec 21 at magdadala rin tayo ng tulong," pahayag ng senador sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. “Pagsubok lamang po ito sa atin, dasal lang. Siguro tayo’y pinapaalalahan lamang ng Panginoon. Pero ‘wag tayong mawawalan ng pag-asa," payo niya. Sinabi naman ni Lani na gumagawa rin ng hakbang ang mga kasamahan niyang kongresista para magkapagbigay ng tulong sa mga biktima. Sa premiere ng film fest movie rin na Shake, Rattle and Roll 13, napapawi ang ngiti at nagiging seryoso si Eugene Domingo kapag ang pinag-usapan na ay ang trahedya sa Mindanao. “Napakasakit. Minsan ‘di ko rin alam paano mag-promote nitong episode namin because baka sabihin ginagamit. Pero wala nang mas nakakatakot pa sa trahedya na katulad ng bagyo," paliwanag niya. Bukod sa pagkakaloob ng pinansiyal na tulong, maghahanap din daw si Eugene ng mga damit at gamit sa kanyang bahay para i-donate na. Kumilos at tumutulong din ang co-star ni Eugene sa SRR 13 na si Ervic Vijandre para makapangalap ng damit at mga gamit na pinasimulan ng kanyang kaibigang basketbolista. Nanawagan naman sa publiko si Bianca King, star ng next afternoon soap na Broken Vow, na sana daw ay maging kasing sigasig ng pagtulong sa mga biktima ng kalamidad sa Mindanao ang naging pagtulong noon sa mga biktima ng bagyong ni "Ondoy." Kabilang naman si German “Kuya Germs" Moreno sa mga napakaraming kababayan at mga organisasyon na nagtungo sa GMA Kapuso Foundation upang doon ipadaan ang tulong na ibibinigay sa mga biktima ng kalamidad. Hinimok rin ni Kuya Germ ang ibang kasamahan niya sa industriya na magbigay ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo. “Hindi maaaring papasok sa isip mo, sa damdamin mo, sa puso mo na kahit papano ano man ang maitutulong mo, maiabot mo," pahayag ng master showman. - FRJImenez, GMA News